KUWELA ANG bagong tambalan nina Sen. Chiz Escudero at Kris Aquino sa ‘sang popular na morning show sa Channel 2. Ako man ay laging nagkukumahog na manood kasama ang aking butihing may-bahay. Kris TV ang ngalan. A homespun program, puno ng human interest sa bata’t matanda at nagpo-promote ng tourist assets ng ating bayan.
Sa simula ay medyo nangangapa si Chiz. Pagkaraan ng ilang linggo, humataw at pumatok na rin siya. Si Kris is as usual: suave, outspoken subalit has greatly matured as TV host. Sure. Patok na patok ang tambalan nila.
Magkapares ang kanilang kapalaran sa marriage. Kailan lang, si Chiz ay nagpa-annull ng kasal niya sa kanyang may-bahay. Ganyan din si Kris. Matagal nang pinalaya ang basketball star na si James Yap.
May mga salbaheng natatakot na baka raw magka-develop-an ang dalawa. Anong masama n’yon? Pareho na silang malaya at may mga puso pang puwedeng umibig.
Ibang anggulo ang nakikita ko. Political master stroke ang ginawa ni Chiz. Biro mo, araw-araw na libreng TV mileage sa pinakapopular at primetime na TV morning show? Milyon ang halaga kung commercial ads na isinasagawa na lang ng ‘sang senatorial upstart Cynthia Villar. At kung tuluy-tuloy ito hanggang 2016, watch out Sen. Jinggoy Estrada. Baka masapawan ka sa 2016 presidential election.
May payong kapatid lang ako kay Chiz: ‘Wag naman laging collar-less T-shirts ang isuot mo. You can afford collared T-shirts. Mukhang totoy na totoy ka pa. ‘Di presidentiable.
At si Kris. Malay mo sa 2016 magkatambal sila ni Chiz sa pulitika. He, he, he, he. Wawa naman ang bayan.
SAMUT-SAMOT
WALANG STRANGE bedfellows sa pulitika! Kaaway ngayon, coalition bukas. Masdan ang LP-NP coalition for 2013. Nu’ng 2010, araw-araw, kagatan ang dalawang partido sa mga iba’t ibang isyu na pinangu-ngunahan ng C-5 at korapsyon. Grabe ang bangayan. Ngayon yakapan. Ay, naku!
KAHIT GA-BUNDOK ang problema ng bansa, napakarami pa rin tayong dapat ipasalamat sa Maykapal. Tingnan natin ang pinagdaanan – at pinagdaraanan – ng ilang bansa sa Middle East. Sa Syria, mag-iisang taon na ang civil war. Daan-daang sibilyan ang namamatay. Giyera ng Israel laban sa ibang Arab states ay patuloy pa rin. Ilang African countries ay ganito rin ang sitwasyon. Problema natin ang MILF at NPA. Subalit contained ito ‘di kagaya sa Syria. Ang Mama Mary ay tumutulong at pumapatnubay sa atin. Dagdagan natin ang pagdarasal.
ISANG PROMINENT 51-anyos U.S. businessman ang lumunok ng poison pill matapos hatulan ng jury ng 21 years imprisonment. Doon mismo sa court room nangyari ang suicide. Ang biktima ay kinasuhan ng swindling at iba pang bintang ng korapsyon. Kaugnay nito, napabalitang isang may-bahay ng OFW ang nagsagawa ng caesarian operation sa kanyang sarili kamakailan. Isang kutsilyo ang ginamit niyang panlaslas ng tiyan. Walang anesthesia. Lumabas ang sanggol na namatay rin. Ang babae ay sinugod sa ospital. Tsk, tsk, tsk.
KAKATWA ANG ‘sang sekta na pinaggigiitang sila ang tunay na relihiyon. Ang ‘di raw nila kasapi ay ‘di maliligtas sa araw ng paghuhukom. Daang tao ang nalilinlang. Ang founder ay dating paring Katoliko. Kakatwa rin ang isang sekta na ang pinuno ay nagpapahayag na siya ang tunay na anak ng Diyos. Nakabase ang sekta sa Mindanao. Daang tao rin ang nalilinlang. Pinaka-lucrative ‘atang negosyo sa nga-yon ang magtayo ng relihiyon. Ngunit bilang Katoliko, ipagdasal nating makita nila ang liwanag. At idalangin din natin ang kanilang kapatawaran.
IMPOSSIBLE TO remedy. Ito ang katotohanan sa monster traffic sa Kamaynilaan. Biro mo, ‘sang ka-terbang dagdag ng sasakyan buwan-buwan sa ating lansangan. Wala namang nadadagdag na bagong lansangan para ma-accommodate silang lahat. Mababaliw si MMDA Chair Francis Tolentino sa kaiisip ng paraan. Ang kasalukuyang yellow lane experiment sa mga buses ay palpak. Lalong naging super-monster ang traffic.
BAHAY NI TV anchor Jay Ruiz sa Sunshine Village, Q.C. ay ninakawan kamakailan. Nakapagtataka kung bakit napasok ang living room at master’s bedroom habang sila’y natutulog. Tinangay ang 2 laptops, alahas at iba pang valuables. ‘Di lamang ito ang nakapagtataka: nakuha pang kumain ng mga demonyo at isama sa ninakaw ang mga pagkain sa ref. Nangyari ito 3:00 A.M. Sa aming Dona Juana II Subd. sa Pasig City, isang maid ang pinagsamantalahan sa kainitan ng tanghali ng ‘di pa kilalang mga lalaki. Marami pang ganitong balita. Saan lugar pa ba puwedeng ligtas tayo?
PARANG KARE-KARE at batchoy ang girian sa pulitika. ‘Di ba napakaaga pa? Ngunit ganyan tayong mga Pinoy. Almusal, tanghalian at hapunan ay pulitika. Maraming pulitiko ang kapit-tuko sa puwesto. Isa na sa mga ito ay mga Villar. ‘Yan, si Cynthia Villar naman ang nagbabalak tumakbo sa Senado. Para maglingkod o protektahan ang business interes? Angkan ni Sen. Ed Angara ay ganyan din. Si Sonny Angara naman ay susubok sa Senado habang ang kapatid na Bella ay re-electionist governor. Para bang mga tuod ang mga ito na may proprietary rights sa puwesto. Oras na para ipasa ang anti-political dynasty bill. Ngunit sinong may political will ang magsasagawa nito?
DEATH IS like a thief in the night. Oras-oras minumuni-muni ko ito. Ito’y isang balakid kung ako’y mag-iisip o gagawa ng masama. Napakaikli ng panahon sa mundo. Parang ihip ng hangin. O bulalakaw sa takip-silim. Anong kahulugan ng buhay at maglakbay sa segundo, minuto at oras? Bakit may galit at puot ang puso ng tao? Alaala. Magandang alaala ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa ang dapat maiwan sa paglalakbay. Ginto, karangalan at kapangyarihan. Lalamunin at hihipan ng hangin hanggang sa sumama sa ating inuuod na alikabok.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez