HINDI NAMIN NAGUSTUHAN ang nakarating sa aming balitang inihatid ng manunulat at kritiko na si Mario Bautista sa isang kasama at officer ng bagong induct na ENPRESS (Entertainment Press Society), Inc. na pinamumunuan ngayon ni Jun Nardo.
Diumano, may nag-e-mail kay Tito Mario na Vilmanian, ayon sa kanyang kuwento. At isang araw bago ang aming Induction, kung saan ang Megastar na si Sharon Cuneta ang mag-i-induct sa amin kinabukasan (noong February 3 sa Imperial Palace Suites ni Mother Lily Monteverde), binasa sa amin ang text message ni Tito Mario.
Ang sabi raw ng mga Vilmanians na nag-e-mail kay Tito Mario, hindi na raw magkaka-grandslam ang kanilang idolo as Best Actress. At ang akusasyon agad nila, nagsimula na diumano na manggapang at ito nga ang mag-i-induct sa ENPRESS kaya tiyak daw na ito ang papanalunin ng grupong may hawak ng Golden Screen Awards.
Dagdag pa nila, wala namang credibility ang aming award-giving body kaya huwag na raw ibilang. Na-delete lang daw ni Tito Mario ang nasabing e-mail pero ‘yun ang nilalaman ng ipinahatid sa kanya ng nagpakilalang mga Vilmanians.
Akala ba naman namin eh, nag-mature na ang mga tagahanga ng mga tinitingala ng aktres na gaya ng Star For All Seasons. Pero hanggang ngayon, marami pa rin pala sa kanila ang may klase ng mentality na kahit ayaw mong patulan eh, kailangan mo pa ring sagutin. Magre-reflect na naman tuloy ito ngayon sa kanilang idolo. Eh, kung gusto nilang lagi na lang ang idolo nila ang Best Actress at manlalait pa sila ng mga nagbibigay ng awards, bakit hindi na lang sila magtayo ng sarili nilang award-giving body? Para all the time eh, grand slam sa paningin nila ang kanilang idolo.
Hindi kami ang tipong namemersonal. At marami sa kanila ang alam kung gaano namin minamahal ang kanilang idolo. Pero sa pagkakataong ito, kung sinuman ang mga nagsasalita ng ganito laban sa aming grupo, datihan man kayo o baguhan sa pagiging member n’yo ng fan club ni Ate Vi, mag-isip-isip muna kayo.
Naiintindihan ko. Mananatiling napakagaling ni Ate Vi sa puso n’yo. Eh, teka, sinubukan n’yo na bang manood ng ibang pelikula na may mga matitindi ring nagsisiganap? Ang movie industry eh, hindi iisa lang ang aktres. Kaya nga labanan ‘yan, eh. Pero bakit kailangang mamersonal?
Masaya ito, kung ganitong klase ng gulo ang sinisimulan ng Vilmanians. Dahil aalisin n’yo ang respeto ko sa inyo, na ibinahagi ko sa pagiging kaibigan din ng inyong idolo. Hindi n’yo alam na marami sa mga kaibigang manunulat ni Ate Vi sa grupong ito ang pinasama n’yo ang loob.
At hindi rin kayo nag-iisip, ano? Hindi ba’t magsasama sa isang pelikula si Mega at Ate Vi? ‘Di ba isang malaking kaplastikan at kaipokritahan ‘yan? Ano? Papakitaan n’yo ng hindi maganda si Sharon sa sandaling mag-shooting na sila o pa-plastikin n’yo lang?
Mag-isip nga kayo bago kayo magsasalita ng mga bagay na marami naman sa inyo ang wala rin namang naiintindihan. Pasensya, pinainit n’yo ang ulo ko!
MAINIT DIN ANG ulo ni Chokoleit sa nagsulat at nagturo sa kanya na diumano’y gumagamit siya ng bawal na gamot.
Isang text message ang natanggap ni Chokey mula sa isang kaanak na apektadong mabuti sa kanilang nabasa. Kaya, galit din ang naging reaksiyon ng komedyanteng pinagbintangan pa na siyang dahilan kung bakit hindi raw matutuloy ang Kokey.
Sabi ni Chokey, tuloy na tuloy ito at nagkakaproblema lang sa ilang mga bagay.
Hay! Bakit ba ang mga tao, mas gusto na may mga nag-aaway at nagkakagulo?
Ke rami raw blessings na dapat na ipagpasalamat ni Chokey ngayon. Sa nagkakalat daw ng balita, harapin n’yo raw si Chokey at mismong sa harap n’yo siya sabihan na lulong nga siya sa pagsa-shabu!
The Pillar
by Pilar Mateo