“ITO ANG KLASE ng mukha na nanay ko lang ang nagmamahal,” madalas marinig mula kay Chokoleit ang ganitong linya kapag nasa entablado na siya ng mga comedy bars.
Susundot pa siya uli, “Kung naging tunay na lalaki ako, sigurado, agaw-cellphone ako ngayon, kundi man kriminal! Kung naging tunay na babae naman ako, aysus, virgin pa siguro ako hanggang ngayon!”
Ginagawang katatawanan ng magaling na stand-up comedian ang kanyang hitsura. Palaging kasali sa kanyang pagkokomedya si Nanay Erlinda, na ayon kay Chokoleit ay proudest mom at number one fan niya.
Pero isang napakasakit na trahedya ang naganap sa kanyang buhay nu’ng Huwebes Santo. Nasunog ang ipinatayo niyang bahay sa Davao City, mag-isang naiwan sa bahay ang kanyang ina.
Narinig ng kanilang mga kapitbahay ang pag-ibik ni Nanay Erlinda, nakahandang tumulong ang mga ito, pero malaki na ang apoy at nakasarado pa ang kuwarto ng ina ni Chokoleit.
Dahil Semana Santa nga at ngayon lang naman makahihinga sa sobrang trabaho si Chokoleit, nagbakasyon siya at ang kanyang mga kaibigan sa Boracay.
Huwebes Santo, may tumawag sa kanya, natupok ang kanyang ina nang masunog ang kanilang bahay sa Davao. Ayon kay Chokoleit, hindi agad siya nakapagbigay ng reaksiyon. Mas una niyang naramdaman ang panginginig ng magkabila niyang tuhod.
“Parang nawalan ng laman ang mga buto ko. Basta ang pakiramdam ko, parang titiklop dahil hinang-hina ang mga tuhod ko,” pagtatapat ng magaling na komedyante.
DALAWANG MATAGALANG BIYAHE na ang pinagsamahan namin ni Chokoleit. Nu’ng mag-show kami sa Amerika, siya pa nga ang kasama namin sa kuwarto. Sa Canada naman, palagi kaming magkasama sa shopping.
Urong-sulong siyang mag-shopping kapag si Nanay Erlinda na ang ibinibili niya ng pasalubong. Umiiwas siya sa branded, pagagalitan daw siya ng kanyang nanay.
“Alam mo naman ang nanay ko, nagagalit siya kapag mahal ang pasalubong sa kanya. Itabi ko na lang daw ang pera, ipunin ko na lang, tutal naman, wala siyang pinupuntahang party sa amin!
“E, nanay ko siya, natural lang na ‘yung maganda at maayos ang gusto kong ipasalubong sa kanya. Hindi bale nang pagalitan niya ako, nanay ko naman siya!” Parang nagmo-monologue niyang sabi habang nagsi-shopping kami.
Ngayon, wala na si Nanay Erlinda, ang proudest mom at number one fan niya. Pakiramdam ngayon ni Chokoleit, parang wala nang saysay ang kanyang buhay.
“Feeling ko lang, para saan at para kanino pa ang mga ginagawa kong sakripisyo ngayon? Wala na ang nanay ko, wala na ang pinaglalaanan ko ng kinikita ko rito sa Manila?
“Ang sakit-sakit, kakukumusta mo lang sa kanya, biglang wala na pala siya. Alam kong mahihirapan ako, but with your prayers, kakayanin ko ang nangyari.
“Alam mo naman kung gaano ko kamahal ang nanay ko, ‘di ba? Wala akong bukambibig kundi siya, puro si nanay ako, parang wala nang ibang taong nabubuhay sa mundo kundi ang nanay ko lang,” malungkot na pahayag ng magaling na stand-up comedian.
Ayaw na niyang mabuhay sa sisihan. Ayaw na niyang saktan pa ang mga taong pinaghabilinan niya kay Nanay Erlinda sa Davao.
Gusto na lang niyang tanggapin ang katotohanan na wala na ngayon ang proudest mom at number one fan niya.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin