ISANG GABING NAKAPILING ng kanyang pamilya, mga kaibigan, mga tagahanga at ng press ang romantic balladeer na si Christian Bautista sa special premiere ng kanyang first international film na A Special Symphony sa Robinson’s Galleria noong Linggo ng gabi.
Umuwi lang sa bansa si Christian para sa nasabing premiere at noong Lunes ay bumalik na ito sa Singapore para naman sa taping nila ni Karylle ng international musical series na The Kitchen Musical.
Samantala, ang pelikulang A Special Symphony ay ginawa ni Christian sa Indonesia kasama ang mga artista mula sa nasabing bansa. Isang inspi-ring story ang hatid ng pelikula tungkol sa isang chorus ng mga special children mula sa Beijing, China, kung saan ang musika ang nag-stimulate sa kanilang mga isipan at nag-develop sa kanilang pagkatao at umani ng papuri sa buong mundo.
Sasabay sa showing ng Ang Babae sa Septic Tank ngayon, Agosto 3 ang nasabing pelikula. Pero wala naman daw ‘yung problema kay Christian. Ang mahalaga raw eh, maipahatid ang nakaka-inspire na istorya ng mga batang tunay na nangyari sa pamamagitan ng nasabing pelikula at may makita rin tayo sa kultura natin at ng mga Indonesians.
Hindi raw ginawa ang pelikula para maging isang money-making endeavor lang.
Namangha naman kami sa husay ng mga batang nagsiganap bilang mga special kids sa pelikula na nag-audition daw talaga for their roles. Sa isang school for special children in Indonesia nga nila ito ginawa. At mamamangha ka rin sa boses ng mga bagets sa mga kinanta nila sa pelikula. Na ang isa nga eh, ang patuloy na nagta-top sa MYX Daily Countdown at OPM countdown na “I Am Already King” ni Christian.
Very successful ang nasabing red carpet premiere nito na dinaluhan pa ng Ambassador ng Indonesia at ng kanyang pamil-ya kasama ang mga kapatid ni Christian sa Victory Fellowship at sa showbiz gaya nina KC Concepcion, Robi Domingo, Rowell Santiago, Cristalle Belo Henares, Ms. Kuh Ledesma and daughter Isabella, Martin Nievera, Erik Santos at marami pa.
Successful na sana ang nasabing red carpet premiere. Pero, hindi maayos ang humawak ng nasabing event-ang Betamaximum. Dahil ang nakuha nilang catering, ang Yellow Basket eh, binastos ang media sa harapan pa naman ng kainan. Nang imbitahin na ang press para pumunta sa buffet table to get food, nagsikuha na nga ang mga ito ng pagkain. Pero biglang may waiter sila na pinigilan ang iba pang nasa pila at pinabalik ang mga hawak na pinggan at kubyertos. Hindi ba isang malaking kabastusan ‘yun? Wala pa raw kasing go signal from the event planner. Eh, may nagsabi na nga na pakainin na ang mga guests, ‘di ba? At nang sitahin na sila, nagturu-turuan na ang nasabing mga waiters. Kaya, huwag na kayong kukuha ng serbisyo ng mga ito sa susunod n’yong mga events!
Mabuti na lang, maganda ang pelikula ni Christian! Naibsan kahit paano ang kabuwisitan ng ilang members ng press at TV crew sa inasal ng nasabing catering.
NANG GABING ‘YON sa nasabing red carpet premiere, ang young star na si Kiray Celis ang paksa ng usapan. Dahil na rin sa dami ng nag-react nang mabalita at lumabas pa ang larawan nito kasama ang anak ni Piolo Pascual na si Iñigo, na sinabing manliligaw ng dalaga sa ngayon.
Pero, lalong nag-react ang mga nag-uusap-usap, pati na ang mga nasa Twitter dahil naartehan sila sa mga sagot ni Kiray sa interbyu sa kanya regarding the said issue kung saan deny-deny pa raw ito dahil baka magalit ang Papa Piolo niya.
Natatawa na lang talaga ako sa mga reaksyon ng mga nag-uusap-usap. Ang feeling daw ni Kiray, ang ganda-ganda niya. Ang feeling daw nito, ang haba ng buhok. Kung makapagpa-girl daw eh, akala mo siya na ang pinakamagandang babae.
Ang isa pang reaksyon, lalo na ng press eh, kung bakit nakalabas ang nasabing larawan ng anak ni Piolo. Akala raw ba nila eh, bawal itong makita in print, kahit pa sa TV?
Ang masasabi ko naman kay Kiray, ‘wag masyadong ‘expectorant’. Nagagalit ang mga ‘lola’ mo kapag uma-arte ka nang hindi tama.
The Pillar
by Pilar Mateo