MALAKING BAGAY itong pagdalaw ni Justin Bieber sa bansa at pagpunta sa Tacloban dahil naging inspirasyon siya lalo sa mga tao na patuloy sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
Nu’ng araw na dumating si Justin sa Tacloban, ‘yun ‘yung nakatasikahan din namin sa presscon ng Ink-All-You-Can si Christian Bautista.
Matagal na palang endorser si Christian ng naturang produkto at natutuwa siya dahil matagal na rin itong sumusuporta sa kanyang career.
Doon na rin nag-emote si Christian na gusto rin niyang patuloy sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Nabalitaan na rin nga niya du’n na pumunta ng Tacloban si Justin Bieber at sabi nga ni Christian, nainggit daw siya sa international pop superstar dahil naunahan pa siyang pumunta ng Tacloban.
Kaya sana makapunta na rin daw siya para makapagbigay ng tulong at kasiyahan sa mga kababayan natin.
Puring-puri si Justin sa ginawa niyang ‘yun dahil nakikita raw ang sincerity nito nang pagpunta niya sa Tacloban.
Natalbugan pa nga nito ang mga local artists na hanggang press release lang ang pagpunta ng Visayas para magbigay ng tulong.
Ang isa pang narinig kong kuwento ng pagpunta ni Justin dito, ang isa raw sa ikinaloka niya nang husto, ang traffic daw.
Naloka raw siya na mula The Fort hanggang Villamor Airbase lang, inabot daw ng mahigit dalawang oras sa kalye.
Sabi nga niya, mas malayo pa raw pala ‘yun nang pagpunta sa Tacloban.
Siyempre sa eroplano, ilang minuto lang nasa Tacloban na siya.
Ang isa pa raw pala sa gustong gawin ni Justin nang pagpunta niya rito, hihingi raw sana siya ng sorry kay Manny Pacquiao na nilait niya nu’ng natalo ito kay Marquez. Hindi nga raw sila nagkita dahil sa traffic.
Mabait din naman pala si Justin dahil talagang nagsu-sorry siya kapag alam niyang nagkamali siya.
Kaya love na love na ngayon ng mga Pinoy si Justin. Nakalimutan na nila ang pang-alipusta nu’n sa ating Pambansang Kamao na naokray naman ng BIR. Hay, naku!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis