KAIBIGAN NI Christian Bautista sina Eric Santos at Angeline Quinto. Kaya hindi maiwasang matanong siya hinggil sa balitang mag-on na ang mga ito.
“Hindi ko pa naku-confirm sa kanila kung ano ba talaga,” aniya. “Pero ang last na nakita ko sila together… sa Star Magic Ball. E, friends naman kami lahat. Nakakatuwa lang, kasi si Angeline came from the singing contest na kaming dalawa ni Sharon (Cuneta) ang hosts. Tapos ngayon they’re (Eric and Angeline) together. Anything talaga can happen. From a fan of Sharon, to a contestant, to a singer. And now she’s with Eric Santos. Nakakatuwa lang. Puwede pala talagang mangyari.”
Back to acting ulit si Christian sa bagong primetime series ng GMA na Starwberry Lane. At enjoy naman daw siya set nito dahil sa dami raw nila sa cast nito ay para umano silang laging nagpa-party. “So, kapag nasa set kami, we really have a good time. And ang sarap ulit na bumalik sa acting.”
Bida sa nasabing soap sina Bea Binene, Kim Rodriguez, Joyce Ching, at Joana Marie Tan. Si Christian ang gumaganap bilang nakababatang kapatid nina Sheryl Cruz at Sunshine Dizon.
“Ako ‘yong pumapagitna para ipagbati ‘yong dalawa dahil lagi silang nag-aaway. Kasi namatay ang anak ni Sheryl dahil kay Sunshine na hindi naman sinasadya. So, umuwi ako sa Pilipinas para mamagitan sa away nila. Lagi silang nagbabangayan. So, ako lagi ‘yong in between. It’s different kasi sa totoong buhay panganay ako. So, ang adjustment ko ngayon, dapat mas masunurin. Dapat mas under nang konti. I like the role kasi parang peacemaker ba. Na lagi akong nasa gitna. Tapos hindi mo puwedeng masabihan agad-agad kasi elder sisters ko sila (Sunshine and Sheryl), e. Na dapat irespeto mo. So, parang naiipit ako lagi. At ngayon ko lang magagawa ‘yong ganitong role.”
Nag-workshop ba siya bilang paghahanda? “No. Not for this one. Pero ang sarap nilang katrabaho. Especially si Tita Boots (Anson Roa). Na very motherly sa aming lahat.”
Hindi ba siya nai-intimidate kina Sunshine at Sheryl na kumbaga ay hasang-hasa na pagdating sa pag-arte? “Yeah! May gano’n. Medyo nga nai-intimidate ako nang konti. Dahil gano’n na nga sila, e… mga de-kalidad na artista kumbaga at talagang magagaling. Pero mawawala naman ‘yon as you get to know them. As you work with them always. So, ang dami kong natututunan sa kanila.”
Sa story ng Strawberry Lane, hindi ba magkakaroon ng love interest ang character niya?
“For a change… wala!” sabay ngiti ni Christian. “Ewan ko. Tingnan natin. ‘Yong istorya naman laging nag-iiba, e.”
Ang tagal din bago siya muling gumawa ng soap. Halos mag-iisang taon na ang nakalipas mula nang huli siyang mapanood sa morning series na With A Smile kung saan nakasama niya sina Andrea Torres at Mikael Daez. Naging mapili ba siya sa role o sa seryeng kanyang tatanggapin?
“Actually in phases ‘yong ginagawa ko, e. Sometimes merong album, sometimes merong theater. Sometimes merong acting. So, ngayon, sabay. I’m doing Strawberry Lane, Marian and Sunday All Stars. And then I’m also recording an album na lalabas next month. It’s under Universal Records. It’s gonna come out very very soon. Tinatapos ko pa ang recording nito. Hindi pa rin naming alam kung ano ang magiging carrier single. Pinakikinggan pa namin ‘yong mga song. Twelve songs ang laman ng album. All covers and all love songs. Parang it’s a concept album din na puro cover ngayon.”
Kumusta naman ang estado ng kanyang lovelife ngayon? “Wala pa, e,” muling nangiting sambit ni Christian. “Wala pa talaga. No dating. No ano…”
Bakit wala? “Sa career muna ang lovelife!” sabay halakhak niya.
Mas suwerte yata siya sa career kapag walang lovelife? “Hindi. Pana-panahon lang ‘yon. Kapag nagka-lovelife naman, lovelife na dire-diretso. Kaya… tingnan natin. Wala pa, e. Hindi naman sa nagtatago or showbiz, pero wala talaga.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan