NAKAGUGULAT MAN pero parami na nang parami ang mga taong tamad na tamad sumali sa Christmas party, dahil mas gugustuhin nila ang mamahinga na lang sa kwarto. Mas nangingibabaw pa nga sa isip nila na gastos lang ito, boring at nakatatamad. Kung ganito na pala ang pag-iisip ng iba, mukhang may problema ‘ata ang mga namumuno sa pagpaplano ng Christmas party. Mukhang kinakailangan nilang mag-meeting muli at mag-brainstorm para makagawa ng Christmas party na talagang kapananabikan ng lahat!
Mga tao pa naman ngayon, lalo na ng mga bagets, mas gusto nila ng mga party na kakaiba at nakae-enjoy. ‘Yung tipong, party na puro saya ang nangingibabaw. ‘Yung party na matapos idaos, makalilimutan nila lahat ng problema nila. Kaya sa mga namumuno riyan sa pagpaplano ng Christmas party, isip-isip din kasi ‘pag may time. Isang beses lang sa isang taon ang magdaos kayo ng Christmas party, kaya lubus-lubusin n’yo na ito.
Sa Christmas party, isa sa pinakaaabangan bukod sa pagkain ay ang exhange gifts. Bakit hindi n’yo kalimutan na ang pagkakaroon ng wishlist kung saan doon nakalista ang regalo na gustong matanggap ng nabunot mo? Tutal masyado nang gasgas ito. Subukan n’yo naman ang White Elephant! Mas gawin n’yo pa itong kakaiba. Kinakailangan n’yo ng tulong ng dalawang dice. Kung sino man ang taya, siya ang maghuhulog ng dice, kung anong numero ito tumapat, ‘yun ang bilang ng ikot ng mga regalo. Sa bawat round, kinakailangang buksan pakonti-konti ang regalo. Masaya ito at nakaeengganyo dahil malamang sa malamang, may mga regalo kang gusto mong mapasaiyo at may mga regalo ka rin na gusto mong iwasan. Dagdag pa sa thrill ang tiyansa na baka makuha mo ulit kung ano ang pinangregalo mo. At, dahil sa White Elephant, magkakaroon ka ng pagkakataon na “i-steal” ang regalo na bet na bet mo.
Sa bunutan ng pangalan sa exchange gifts, baliktarin kaya natin ang tradisyonal na mechanics? Imbes na ang mabubunot mo ay ang taong bibigyan mo ng regalo, iyon na ang taong magbibigay sa ‘yo ng regalo. At, imbes na pangalan ang ilalagay sa bunutan, code names na lang para naman may thrill, hindi lang kung ano ang matatanggap mo, pati kung sino ang nakabunot sa ‘yo.
Aminin naman nating lahat, kahit minsan aburido na tayo sa mga nangangaroling na bata sa labas ng ating mga gate, pero kung tayo naman ang magdya-jamming kasama ang pamilya at kaibigan, aba! Walang problema kung masintunado ka pa. Kaya sa Christmas party, “it’s your time to shine”, ‘ika nga! Minsan lang mag-Pasko kaya subukan n’yong magkaroon ng Christmas carol karaoke night.
Sa games, bukod sa napakasaya na drinking games, samahan din ito ng mga Batang ’90s games gaya ng charades. Pero, para mas exciting, gawin itong reverse charades kung saan ang magkatutunggaling grupo ay sabay-sabay na mag-a-act out ng mga salitang pinahuhula at paunahang makahula ng tamang sagot ang representative ng grupo. Kung pool party ang inyong Christmas party, sulitin ang pag-rent sa lugar! Magdaos ng games sa pool gaya ng Calamansi Relay.
Hindi naman kinakailangan ng isang magastos na party para maging masaya ito. Ang simpleng salu-salo basta’t may kakaibang pakulo, solve na solve na! Ang mahalaga, sama-sama kayo sa pagdiwang ng Pasko.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo