PATAPOS NA ang buwan ng Oktubre. Parang kailan lang, kasisimula lang ng ber months. Tapos ngayon, halos wala nang dalawang buwan, magpa-Pasko na! Grabe talaga ang taon na ito. Parang hindi mo ramdam ang paglipas ng panahon dahil kay bilis nga nito. Kaya ngayon na sa susunod na araw ay Nobyembre na, usung-uso ang pagpaplano ng Christmas party, hindi lang ‘yan sa eskwela, mayroon din sa barkadahan at sa opisina. Kaya kung kayo ay maatasan na magplano ng Christmas Party, paano nga ba makatitipid ng oras at gastos sa party na binabalak nang pasensya mo naman ay hindi maubos?
Tipid tips sa oras
Una, alamin ang bilang sa grupo ng Christmas Party committee. Baka naman dalawa lang kayo o kaya tatatlo tapos higit sa bente ang dadalo. Aba, aba, aba… baka naman atrasan n’yo ang responsibilidad sa kalagitnaan dahil sa stress na dulot nito. Ngayon pa lang, sinasabi ko na sa inyo, stress talaga magplano ng isang matagumpay at masayang Christmas Party. Kaya dapat, marami kayo sa grupo.
Pangalawa, ngayong alam n’yo na ang bilang ninyo sa grupo. Gumawa ng listahan ng sub-committees o mga kanya-kanyang toka para sa party. Siguraduhin na nasa listahan mo ang mga sumusunod: venue, date and food committee; theme and decorations committee; program and games committee; fund and prizes committee.
Pangatlo, gumawa ng timeline ng gawain. Kinakailangan kada linggo, may isang task kayo na bigyang pokus na tapusin. Mauna dapat ang pag-finalize ng venue at date. Siguraduhin na ang lahat ay magkakasundo sa iisang date na pupuwede ang lahat para lahat ay makadalo. Isaisip din ang distansya o layo ng venue sa lahat ng dadalo para hindi sila magdalawang-isip na pumunta. Kasi kung minsan, kapag sobrang layo ng venue, mawawalan na ng gana ang iba na pumunta.
Tipid tips sa gastos
Kasabay ng maagang pagpaplano ay dapat sinisimulan na rin ang fund raising para sa party lalo na kung wala namang budget talaga. Maningil na sa bawat dadalo. Pero kailangang abot-kaya naman ang contributions ng bawat isa. Baka naman sa sobrang mahal, sa bahay na lang sila maglagi upang maiwasan ang pagbabayad nang malaki.
Pagkasingil, unahin ang pagpapa-reserve sa venue ng party. Tandaan, kapag mas maaga, mas mura ang bayad.
Sa tema naman ng Christmas party, hindi naman dapat pabonggahan ‘yan! Nasa pagiging creative at resourceful lang ‘yan. Kaya kung mag-decorate kayo ng venue, maging malikhain. Hindi ‘yung puro bili nang bili magdecorate lang ng venue. Mas importante ang masarap na pagkain kaysa maganda na lugar. Tandaan iyan.
Para naman sa pagbili ng prizes at tokens, ngayon pa lang magtungo na sa Divisoria. Habang papalapit nang papalapit ang Disyembre, mas pamahal nang pamahal ang bilihin.
Kaya mga bagets, tandaan, hindi lang gastos ang kinakailangang tipirin sa pagplano ng Christmas Party, oras din. Kaya ngayon pa lang, magplano na at maging istrikto sa pagsunod sa timeline of tasks para hindi masyadong ma-stress. Magsasaya ka na nga lang sa Christmas party, mai-stress ka pa? Huwag gano’n! Dapat enjoy ang lahat! Pasko kaya ang pinakamasayang pagdiriwang sa lahat ng okasyon.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo