ANG CHRISTMAS vacation ay hindi tulad ng semestral break o kaya ng summer vacation. Karamihan sa atin lalo na ang mga kabataan ngayon kapag papalapit na ang sembreak at summer, may mga kanya-kanyang plano na. ‘Yung iba, out-of-town trip. Number one sa listahan ang Tagaytay! Pero kung hindi naman tight ang budget, Boracay pa. Sa iba naman na pinagpala ng yaman sa buhay, out-of-the country ang destinasyon. Pero ‘pag sinabing Paskong Pinoy, kahit saan ka man magpunta basta’t kasama ang pamilya at kaibigan, ramdam na ang Christmas vibes! Malamang sa malamang karamihan sa atin mas pinipili na idaos ang Pasko sa bahay lang basta’t masarap ang Noche Buena at mabubusog ang buong pamilya solve na.
Pero hindi porke’t sinabi na sa bahay lang natin idinadaos ang feeling ng Pasko ay wala nang ibang lugar na puwedeng pagdausan nito. Nagkakamali kayo riyan, dahil kahit dito pa nga lang sa Maynila, kay rami nang puwedeng puntahan na magpaparama sa iyo ng Paskong Pinoy.
Trinoma Merry Musical Lights
Sakay ka lang ng MRT sa dulo ng North Station, mararating mo na ang Trinoma Merry Musical Lights. Ito ay sa Trinoma Mall mismo kung saan magagandang lights and sounds ang handog nila na nakapalibot sa garden restaurants. Ito ay tumatagal ng walong minuto tuwing 7, 8 at 9 ng gabi. Ang maganda pa rito, MRT ride lang ang gagastusin mo dahil ang show na ito ay libre para sa lahat.
Animals on Display sa Power Plant Mall
Maraming mga bata ang tiyak na mahuhumaling sa kakaibang Christmas decoration ng Power Plant Mall dahil hindi ito puno ng Christmas Tree at Christmas Lights dahil sasamahan din ito ng mga cute na cute na animatronic animals na halos mukhang tunay na hayop na. Kadalasan, ang mga hayop tulad ng panda at bears ang feature dito. Libre rin ito at puwede ka pang magpa-picture sa kanila.
Pyromusical at San Miguel by the Bay sa SM Mall of Asia
Hindi mo kinakailangan maghintay ng New Year para makanood ng naggagandahang fireworks dahil kahit magpa-Pasko pa lang, puwedeng-puwede mo nang maranasan ito rito sa SM MOA! World class na pyromusical fireworks ang ipalalabas dito kada Biyernes at Sabado ng 7 ng gabi. Wala nang entrance fee ang kailangan dito dahil libreng-libre rin ito.
Policarpio St. sa Mandaluyong City
Kung medyo nagsasawa ka na sa paulit-ulit at taun-taon na hindi nagbabagong Christmas décor ng iyong kapit-bahay, aba, punta na sa Policarpio sa Mandaluyong! Tignan ko na lang kung hindi ka mabusog sa mga bahay roon na nagpapatalbugan sa Christmas decorations.
Ayala Triangle and Gardens Lights and Sounds Show
Sumasayaw at kumakantang mga Christmas Lights and decorations? Posible! Posibleng-posible ‘yan rito sa Ayala Triangle sa Makati City. Para itong tatlongpung minutong concert ng sumasayaw in synchronization pa ng 800,000 na LED light bulbs na sinasabayan pa ng Christmas songs. Sulit na sulit ito dahil 30 minutes na nga ang show, libre pa rin ito.
Greenhills Christmas on Display
At siyempre, huwag na huwag palalampasin ang lights and sound show ng moving mannequins sa Greenhills COD. Mula pagkabata, taun-taon na inaabangan ito ng karamihan kaya tiyakin na hindi ka makamimintis ng COD dito sa San Juan. Araw-araw itong ipalalabas hanggang ika-5 ng Enero sa darating na taon. Kaya wala nang dahilan para hindi ka makadayo rito. Bago ka mag-Christmas shopping, COD muna.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo