Ayon kay Cindy nang makausap namin siya sa storycon at virtual conference ng bago niyang pelikula titled Nerisa, hindi na siya nagulat sa naging desisyon ni Rabiya na susubok na rin sa pag-aartista.
“Unang-una, siyempre gusto ko po siyang i-congratulate, ang galing niya, pinanood ko talaga yung Miss Universe at sobrang proud ako sa kanya,” simulang sabi ni Cindy.
Dugtong niya, “Yung pagsali niya sa showbiz ay hindi nakakagulat kasi napakaganda naman niya talaga at yung karisma niya talaga ang lakas. Ang ganda niya sa mga pictures niya, sa videos niya. Nakakatuwa siya kasi parang feeling ko totoong-totoong tao siya.”
“So I feel na kapag pumasok siya sa showbiz puwede niya yung mai-apply yung natutunan niya bilang beauty queen. Kasi to me, yung pag-arte kailangan ng ano, eh, ng practice din. Kasi kilala ang beauty queen na dapat maganda ka palagi. You pretend to be okey even if you’re not.
“Kailangan maganda ka palagi kahit you don’t feel okey inside – yon kasi yung training sa amin dati. Nasa kontrata namin before na hindi ka puwedeng lumabas nang hindi naka-make-up at that time, yung reigning ko. Ngayon hindi ko sure,” dagdag na pahayag pa ni Cindy.
Ikinatuwa rin ng bida sa Nerisa na maraming mga beauty queens ang nagkakainteres na pasukin din ang pag-aartista.
“Nakakatuwa na maraming mga beauty queens or sumali ng beauty pageants ang gustong mag-artista. Gusto ko lang ding sabihin sa mga tao na ang mga beauty queens ay hindi lang magaganda, hindi lang pang-display, hindi lang pang-rampa. I think more than anything else, very talented, very smart, yung mga beauty queens kaya nga sila beauty queens kasi complete package.
“So nakakatuwa na madami talagang gustong mag-showbiz and I think meron talagang lugar ang mga beauty queens dito sa showbiz,”pagmamalaki pa ng 2013 Binibining Pilipinas Tourism.
Nagbigay naman ng reaksyon si Cindy sa isyung madalas na nagiging sexual desire ang beauty queen na kagaya niya kapag gumagawa ng sexy role sa pelikula.
Aniya, “Actually, every time na… kasi feeling nila sanay ako na… siyempre, as a beauty queen nasa ‘yo lahat ng mata, sanay kang i-criticize from head to toe. Pero nung umarte ako, ibang mundo pala. Kasi hindi lang kailangan ng ganda, kailangan ng talent, so yon yung difference sa talent sa pag-acting – so wala yung dapat mahinhin ka.
“Kinakabahan pa rin ako every time na may mga sexy scenes ako, pero of course, ang plano ko din naman po, sana huwag lang akong ma-type cast as sexy actress. Gusto ko din mapatunayan na meron din akong acting. Yung hindi lang nandito ako dahil sa mga sexy scenes at dahil bagay ako sa mga ganitong character, sana mapansin din na meron akong talent.
“Ang isa pang nakakaba rin kasi ay yung expectations, eh, kasi ang taas. Pero ang wino-workout ko talaga is yung skills sa acting, yon talaga ang mahalaga sa akin ngayon. Gusto kong makilala sana bilang mahusay na aktres.”
Ano ba yung learnings niya sa beauty pageant na nagamit niya sa kanyang showbiz journey?
“As a beauty queen po, feeling ko equipped talaga kami na humarap sa mga tao. Yon yung advantage ko kasi trained kami kung paano humarap nang maganda kahit na kaninong tao,” tugon niya.
“Ang kaibahan lang sa pag-aartista at nakakatuwa po nakakakuha ako ng mga roles na palaging walang make-up, tomboy, mahirap, so nakakatuwa kasi dati ang alam ko kapag beauty queen ka nalalagay ka sa kontrabida o sa magandang role palagi.
“Meron kang ibibigay sa kanila na hindi ka lang maganda, hindi ka lang para sa role na ganito kundi kaya mo ring gawin yung role hindi ka maganda, yung kinakawawa ka. Kaya ginawa ko yung Adan kasi very challenging yung role na tomboy para sa akin,” pahayag pa ni Cindy sa PUSH.
Kasama ni Cindy sa Nerisa bilang leading man si Aljur Abrenica, AJ Raval, Sean de Guzman, Elizabeth Oropesa at marami pang iba. Ang pelikula ay ididirek ni Lawrence Fajardo at mula sa produksyon ng Viva Films.