NAPANGITI ANG ATING kaibigang si Kathy Solis, PR Manager ng ABS-CBN nang makitang may necktie pa ako, may bitbit na black coat. Nagmamadali ba naman ako mula sa lunch meeting sa German Club sa Makati dahil election at umaatikabong depensa ng District Governor 2011 ng Rotary Clubs sa buong Makati. Pagkatapos ay dumiretso ako ng Shangri-La Mall Cineplex. Kaya’t nag-i-interview ako nang naka-necktie pa, hahaha! Tiyak napailing-iling at natatawa ang bestfriend nating si Kathy at sasabihin na namang ang sipag ko talaga. Kasi ba naman after viewing ng isang film, kailangang makadalo ako sa Paul Harris Fellow’s Testimonial Dinner na ginanap sa Dusit Thani Hotel. Iisa lang ang natutuwa ako, sa red roses na ikinabit sa coat ko. Just imagine, ‘I really love it!’ at midnight na natapos ang nasabing okasyon.
Sa nasabing Cinema One Originals, ‘di makakawala sa aking mapanuring mga mata ang mga pelikula. Bagama’t ang aking mga komento tungkol dito ay kapag na-review ko na ang lahat ng films at na-interview ko na ang mga artista at directors nito. Nakuhanan din natin ng kaunting pahayag ang award-winning director na si Direk Brillante Mendoza. Ayon sa kanya, nandoon siya para suportahan ang mga baguhang filmmakers at pagkagaling sa event ay may dadaluhan pa siyang Awards Night. Naks! Sikat talaga.
Sa 7th Cinema One Originals Festival, umaarangkada ang mga baguhang directors at mga mapangahas nitong mga pelikula na gaganapin mula Nobyembre 9-15 sa Edsa Shangri-la Plaza Cineplex. Ang kapana-panabik na Awards Night naman ay gaganapin sa Nobyembre 13 sa RCBC Theater, RCBC Plaza, Makati City.
Pito sa mga pelikulang tampok sa Cinema One Originals ngayong taon ay debut films ng mga direktor na sina Sari Dalena ng “Ka Oryang”, Ivy Universe Baldoza ng “Mga Anino sa Tanghaling Tapat,” Victor Villanueva ng “My Paranormal Romance,” Earl Bontuyan ng “Sa Ilalim ng Tulay,” Antoinette Jadaone ng “Six Degrees of Separation From Lilia,” at si Shireen Seno ng “Big Boy“. Ang “Di Ingon ‘Nato [Not Like Us]” ay ang kauna-unahang pagtatambal ng mga direktor na sina Ivan Zaldarriaga at Brandon Relucio. Apat na mga babaeng filmmakers ang kalahok ngayong taon at lima sa sampung pelikula naman ay nanggaling sa mga probinsya — “Big Boy” mula Mindoro, “My Paranormal Romance” mula Cebu, “Sa Kanto ng Ulap at Langit” mula Nueva Vizcaya, “Cartas de la Soledad” mula Magindanao at “Di Ingon ‘Nato (Not Like Us)” mula Cebu. Ang pelikulang “Sa Ilalim ng Tulay” ang kuwento ay tungkol sa paglalakbay ng isang Aetang pamilya mula Pinatubo hanggang sa nakarating sa Maynila.
Ang “Anatomiya” ay nilikom at hango pa sa isang teatro at isinulat para sa pelikula ni Malou Jacob. Ang mga miyembro galing sa tanyag na production group mula sa Cebu na gumawa ng “Di Ingon ‘Nato (Not Like Us) at “My Paranormal Romance” ay ang siya ring gumawa ng naparangalang mga pelikula sa Cinema One Originals na “Ang Damgo Ni Eleuteria” at “Confessional” (para kay Ruel Antipuesto and Publio Briones.) Ang festival sa dalawang Cinema One Original Honorary awardees ang aktor-direktor na si Mario O’Hara at ang Superstar, Ms Nora Aunor. Ang dalawa ay kapwa iginagalang sa larangan ng independent cinema. Si O’Hara ay ang direktor ng mga klasiko katulad ng “Babae sa Breakwater” at “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio,” “Condemned,” “Bulaklak sa City Jail,” “Babae sa Bubungang Lata”. Si Nora Aunor ay gumanap at nag-produce din ng “Tatlong Taong Walang Diyos,” “Banaue,” “Bona,” at “Condemned”. Ang dalawang cinema giants ay makakatanggap ng parangal na “ORIGINALS in Philippine Cinema” sa Nobyembre 13 awards ceremonies ng 2011 Cinema One Originals Festival.
Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.
Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, e-mail: orobiakpp[at]yahoo.com and/ or maestrorobiaparazzi[at]yahoo.com.
ni Master Orobia