ANG CLASH of Clans ay isang napakasikat na software game sa iPhone, iPad, iPod at Android. Ito ay ginawa ng Supercell, isang video game company na bihasang-bihasa talaga sa paggawa ng gaming platforms. Mas binigyan nila ng pansin ang paggawa ng laro na gagamitan ng tablet dahil naniniwala sila na mas masaya at mas nakakaengganyo maglaro kapag ito ang gamit mo. Sila lang naman ang gumawa ng Hay Day. Isang laro rin na nadada-download sa Appstore at Playstore na naging hit at top grossing pa dahil ito ay kinagiliwan sa 78 na mga bansa sa buong mundo. Kakaibang tagumpay rin ang natamo ng Supercell nang kanilang magawa at ilabas sa publiko ang larong Clash of Clans dahil sa 122 na mga bansa naman ito namamayagpag ngayon.
Naging available sa ibang bansa sa iTunes nang libre ang Clash of Clans noong Agosto 2, 2012. Ito rin ‘yung mga panahon na nailabas na ang v1.7 para sa mga Apple users. Oktubre 13 noong nakaraang taon naman naging available ang nasabing laro sa Google Play Store at puwede nang malaro ng mga Android users. Ang larong ito ay puwedeng maisalin sa mga iba’t ibang wika tulad ng English, German, Italian, Turkish, Dutch, Spanish, Norwegian, Japanese, French at Chines: mga lengguwahe na ginagamit sa buong mundo. Kaya hindi naman kataka-taka kung bakit matindi ang “Clash of Clans Fever” hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati sa mga ibang bansa.
Paano nilalaro ang Clash of Clans? Simple lang, mula rin sa pangalan ng laro, magkakaroon ka ng ideya kung paano laruin ito. Ito ay isang “strategy game” kung saan ang mga manlalaro ay puwedeng gumawa at palakihin ang kanyang ‘village’. Puwede rin siyang mag-‘unlock’ ng mga makapangyarihang ‘warriors’ at ‘defenses’. At sila ang gagamitin mo upang makapag-raid ng mga ‘resources’ mula sa mga katabi at karatig na ‘villages’.
Maaari mo ring iensayo ang iyong mga ‘troops’ at atakihin ang mga ibang players para makakuha ng gold at elixir habang gumagawa ka ng sarili mong ‘defenses’ na siyang magproprotekta ng ‘village’ mo laban sa mga players na gustong umatake sa iyo. Puwedeng-puwede mong i-challenge ang mga banyagang manlalaro ng Clash of Clans bilang mga tao sa 122 na bansa ang naglalaro nito.
Ang mga troops ay may limang klase. Ang unang troop ay ang Tier # 1. Ito ay binubuo ng mga ‘barbarians’, ‘archers’ at ‘goblins’. Magaling ito pagdating sa pag-aalsa-balutan ng malalaking grupo. Ngunit, madali sila maging mahina lalo na kapag inatake ng pisikal o emosyonal. Ang Tier # 2 naman ay binubuo ng ‘giants’, ‘wall breakers’ o grupo ng mga skeletons na may bitbit na mga bomba, ‘balloons’ o grupo ng wall breakers na nasa hot air balloons at ‘wizards’. Sila ay mas malakas sa Tier # 1. Ang Tier # 3 naman ay mas malakas sa mga naunang troops kong nabanggit. Ito ay binubuo ng ‘dragons’, ‘healers’ na kawangis ng isang babaeng anghel at ‘pekka’ o grupo ng full armored creatures. Sila ang pinakamalakas sa lahat kaya nga lang kinakailangan mong makakuha ng maraming elixir upang magkaroon ka ng ganitong klase ng troop. Ang Dark Elixir Troops naman ay binubuo ng ‘golems’, ‘hog riders’, ‘minions’, ‘valkyries’, at witches. Mayroon silang mga kapangyarihan na wala ang mga normal na troops. Ang mga Heroes naman ay binubuo ng ‘barbarian king’ at ‘archer queen’. Isang beses lang sila puwedeng sanayin. Katulad ng mga tipikal na hero, sila rin ay imortal.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo