Parang naluluha si Claudine Baretto pagkatapos ng interview sa kanya sa Startalk nang mag-promote ito ng bagong drama anthology niya na Claudine na nagsimula nu’ng nakaraang Sabado.
Iniiwasan na sana ni Claudine na pag-usapan ang alitan nila ni Gretchen Baretto at ang pagtatapat nila ng programa, pero wala itong nagawa dahil ilang beses itong itinanong sa kanya nina Ricky Lo at Manay Lolit Solis.
Hindi kumportable si Claudine sa mga sagot niya dahil alam niyang gagamitin na naman daw ito ng kapatid niya sa guesting nito sa The Buzz nu’ng kamakalawa ng hapon.
Ang sabi na lang ni Claudine, gusto na niyang tapusin ang isyu nilang magkapatid dahil hindi na magandang tingnan. “Period na sana,” sey ni Claudine na nakikiusap na tapusin na ang intrigang ‘yun.
Nu’ng nakaraang Linggo nga sa guesting ni Gretchen sa The Buzz ay matindi ang mga sinabi nito laban kay Claudine. Kaya nabuhay na naman uli ang kanilang hidwaan. Pero hindi na raw ito sasagutin ni Claudine dahil hindi na magandang tingnang pinapanood ng publiko ang talakan nilang magkapatid.
Parehong sinilip namin ang Claudine at ang Maalala Mo Kaya ni Gretchen at mas na-impress kami sa pilot episode ng drama anthology ni Claudine sa GMA-7.
Maganda ang script pati ang pagkakadirek ni Laurice Guillen kaya lumutang ang magaling na pag-arte ni Claudine at pati na rin ni Raymart Santiago.
Inaasahang maganda rin ang susunod na episode ng Claudine sa darating na Sabado.
PARANG HINDI PA kumpleto ang kasiyahan ng dethroned Bb. Pilipinas-Universe na si Maria Venus Raj nang ipinarating sa kanya ang magandang balitang ibabalik na sa kanya ang korona.
Nakasaad kasi sa sulat na may kundisyon na kung makakukuha siya ng Philippine passport ay mai-reinstate siya sa titulong napanalunan niya.
Kinukuwestiyon ito ng abogado niyang si Atty. Gigi Berberabe-Martinez dahil kung talagang ibabalik daw ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. ang koronang binawi kay Venus, dapat walang kundisyon dahil para talaga kay Venus ‘yun.
Paliwanag ng abogado ni Venus, kung talagang gusto nilang si Venus ang ipadala nila sa Ms. Universe, dapat ay i-reinstate nila ito at saka nila ayusin ang Philippines passport ng beauty queen.
Nu’ng screening daw ni Venus para sa Binibini, hindi naman daw requirement ang Philippine passport, kaya dapat na gawan ito ng paraan ng BPCI.
Nagkaroon sila ng meeting nu’ng nakaraang Sabado, pero wala naman daw nangyari sa miting na ‘yun, dahil walang abogado ng BPCI na humarap sa kanila. Kaya hindi raw napag-usapan ang tungkol sa isyu ng reinstatement. Ang taga-Corporate Affairs ng Araneta lang daw ang humarap sa kanila at pinapirma lang daw si Venus na natanggap nito ang sulat mula sa BPCI.
Ang pagkakaalam ko, kahapon ang miting nila para mapag-usapan ang isyung ‘yun, at sana maayos nila dahil ang karapatan lang naman daw ni Venus bilang lehitimong winner ng Binibini Pilipinas ang ipinaglalaban nila.
Nagpapasalamat lang si Venus sa lahat na tumulong sa kanya na ipaglaban ang kanyang karapatan. Pati raw ang ibang Bicolano sa Amerika ay todo ang suporta sa kanya. Kaya ang dinig namin, nakarating na ito sa mga taga-Ms. Universe.
May taga-Ms. Universe na raw na tumawag sa kanya para klaruhin na siya ang kinikilala nilang representative ng Philippines, dahil hindi naman daw isyu sa kanila ang citizenship.
By Gorgy’s Park