WORRIED SI CLAUDINE Barretto para sa kanyang anak na si Sab. Alam na kasi ng bata na hindi ito galing sa kanyang sinapupunan, pero hindi lang alam ni Claude kung paano hihimay-himayin ang paliwanag sa bata.
Kaya naman humingi na siya ng tulong sa mga followers niya sa Twitter kung ano ang dapat gawin at kung paano kakausapin ang kanyang 6-year old daughter na tanong na nang tanong ng “roots” nito.
Humingi na rin ng tulong si Claudine sa director ng DSWD na si Ms. Alice Bonoan kung paano at ano ang sasabihin kay Sabina.
Juice ko, napakasuwerteng bata ni Sabina. ‘Yung iba ngang tunay na anak, pinagmamalupitan pa ng mga tunay na magulang, eh. Baka nga kainggitan pa si Sabina ng ibang bata.
Basta ang importante, naging mabuting magulang sina Claudine at Raymart kay Sabina kahit pa hindi sila ang “gumawa” sa kanya.
BIGLA TULOY NAMING naalala nu’ng araw na wala pa kaming pamilya. Pinangarap kong magkaroon ng anak, pero thru adoption ang naisip namin.
Sabi ng nanay ko, “Ba’t ka mag-aampon eh, ang dami mong pamangkin. Mga kadugo mo pa.”
Pero katuwiran ko nga, sila’y pag-aari ng magulang nila at someday, sa ayaw at sa gusto namin ay aariin din ng iba.
Mabuti na lang at me isang babaeng “nagkamaling” magkagusto sa amin. Sabi namin, ah, ‘eto na ‘to. So flash forward na tayo. Ayan, apat na ang anak namin ni misis.
Na sa tuwing pagod kami galing sa trabaho, makita lang naming natutulog na, kuntento na kami at nawawala na ang hapo ng katawan namin. Eh, lalo pa kung gising, naririnig namin ang paulit-ulit na, “Daddy!” na musika na sa aming tenga.
Ang tanong nga ng ilang kaibigan namin, “Alam na ba nila na gay ka?”
Biro na lang namin, “Basta ang alam nila, hindi ako tomboy.”
MULA NANG MAGING isyu ang pagpapaalis sa Childhaus Foundation sa bakuran ng PCSO, naging matunog na ito at dumagsa ang mga gustong tumulong para maipagpatuloy ang pagdurugtong ng buhay sa mga batang kailangan ng pagtutok sa kanilang matinding sakit na dumapo sa kanilang katawan.
Ngayon ay may bago nang tahanan sa Proj. 8, Q.C. ang mga bata at isa rin kami sa masusugid na sumusuporta sa Childhaus, kaya hangga’t kaya ng katawan, isip at panahon namin ay gu-magawa kami ng paraan para makalikom ng pantulong sa mga bata.
Heto’t sa Aug. 31, 9:30 pm ay baka meron kayong oras, dahil merong show ang PGT 2 Grand Winner na si Marcelito Pomoy sa Zirkoh Morato sa Miyerkules. Guests ang Bruno Mars of the Philippines na si Buildex at ang YouTube sensation na si Arjohn Gilbert.
Magpapatawa naman ang mga bihasa na pagdating sa stand-up comedy na sina Divine Tetay at Donita Nose, kaya sulit na sulit ‘yung P600 per ticket na bibilhin n’yo.
Available po ang mga tickets sa lahat ng SM Cinemas o kaya ay puwede ka-yong magpa-reserve sa 0927-3234351. Part of the proceeds will go to Childhaus Foundation, kaya nag-enjoy na kayo sa show, nakatulong pa kayo sa mga batang may malalang karamdaman.
Let’s be a blessing to others.
Oh My G!
by Ogie Diaz