ANG CUTE NAMANG tingnan ng one-on one interview ni Claudine Baretto kay Mark Anthony Fernandez sa Showbiz Central nu’ng nakaraang Linggo.
Kinikilig pa rin ang mga fans nila at sa totoo lang, si Mark pa rin ang gusto ng mga fans na maka-partner ni Claudine.
Kaya pagkatapos ng guesting na ‘yun sa Showbiz Central, sinabi naman nilang dalawa na puwede na silang magsama sa isang project.
‘Di ba sinabi naman ni Direk Carlo J. Caparas na ang obra niyang Somewhere ang gusto niyang gawin ng GMA-7? Sina Claudine at Mark na nga ang bagay na mag-partner sa project na iyan.
Dating ginampanan iyan nina Rudy Fernandez at Lorna Tolentino kaya bagay na bagay kung sa kanila ibibigay ang project na iyan.
Naikuwento ni Claudine sa Startalk na medyo kabado nga raw siya sa paghaharap nila ni Mark at ganu’n din naman itong huli. Mabuti’t hindi naman pilit ang dating at may kilig factor pa rin silang dalawa.
Naaliw nga ako kay Mark Anthony kasi parang si Rudy na talaga siya kung magsalita. Nakikita ko talaga si Daboy sa kanya. Sana nga itong Somewhere ni Direk Carlo J ang susunod niyang gawin pagkatapos ng Diva.
Siyanga pala, tuwang-tuwa si Mark Anthony na nakasama niya si Regine sa Diva dahil sa napakabait daw nito sa kanya.
Tuwang-tuwa nga ito dahil bongga ang regalo ni Regine sa kanilang lahat. Dinig ko nga halos P400,000 ang nagastos ni Regine sa mga regalong ibinigay niya sa mga artistang kasamahan niya sa kantaseryeng iyan. Hindi pa kasama riyan ang para sa production staff.
Ang ibinigay raw kay Mark, isang Macbook Pro at Louis Vitton bags naman ang ibinigay kina Glaiza de Castro. Ang iba raw, Ipad, Itouch at saka Ipod ang ipinamigay ni Songbird. Bongga siya, ‘di ba?
Kaya kapag si Regine ang ka-partner ni Mark Anthony, enjoy na enjoy ito. Pero sana nga kung magkaroon na ng pang-primetime series si Claudine, si Mark Anthony na ang maka-partner niya.
HINDI RAW NAPIGILAN ni Willie Revillame na maiyak habang pinapanood ang last episode ng Wowowee nu’ng nakaraang Biyernes.
Sobrang napamahal na sa kanya ang show na ‘yun kaya masamang-masama raw ang loob nito nang nabalitaan niyang tatanggalin na pala ang show niya at hindi na natuloy ang pagbabalik niya sa Wowowee.
Karamihan nga raw sa mga naglabasang kuwento tungkol sa pagkatsugi ng show niya at ‘di pagkatuloy ng pagbabalik niya ay totoo.
Ang masakit lang kay Willie, hindi na niya makakasama ang mga nakatrabaho niya na napalapit na sa kanya nang husto.
Ganu’n talaga ang buhay. Pero tingin ko naman diyan, malulusutan ni Willie iyan. Sabi ko nga sa kanya, gaya ko rin para rin siyang munggo: Kahit saan itapon, mabubuhay.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis