FEELING NAMIN, hindi magpo-prosper ang mga kasong isinampa sa isa’t isa nina Claudine-Raymart Santiago at Mon Tulfo.
Kahit hindi kami manghuhula, feeling namin, magkakaurungan ng kaso at magkakapatawaran. ‘Yun ang dapat. Sabihin nang pareho silang may ipinaglalaban, o diretso na nating sabihing pareho silang me mali, pareho rin silang me tama.
Pero feeling na-min, magkakaroon ng common friend ang dalawa na siyang gigitna at pag-aayusin ang magkabilang kampo para forever maging tama ang cliche nang all’s well that ends well.”
At ang pinaka-ending nito: mahihinto ang kita ng kani-kanilang abogado. Hahahaha!
TOTOO ITO. Me nag-tweet sa amin na OA raw si Claudine. Ang claim niya nu’ng nangyari ang insidente ay tinadyakan siya ni Tulfo, the following day ay nakatungkod na siya, ano raw sa susunod? Naka-wheelchair na?
‘Yun nga ‘yung nakalulungkot sa pangyayaring ito. Ilang isyu na ang kinasangkutan ni Claudine, heto’t ang kanyang statement ngayon ay pinagdududahan ng marami. Ba’t gano’n?
Kung para kay Claudine, nagsasabi naman siya ng totoo at pawang katotohanan lamang, ba’t parang at stake na ang kredibilidad niya sa marami?
Ilang isyu na ang kinasangkutan niya: dati, inaway niya si Gretchen Barretto, bago namatay si Rico Yan, masama ang loob sa kanya.
Si Angel Locsin, nakaaway niya. Si Angelica Panganiban, binantaan pa niyang sasabuyan niya ng asido sa mukha.
‘Yung huli, nagwawala siya sa bangko, dahil hindi niya mai-withdraw ang P5M sa joint account nila ni Raymart.
At ‘eto ngang huli, ang “Thrilla in NAIA” with Mon Tulfo.
Kung ibabase mo sa track record, lumalabas na palaaway si Claudine at mainitin ang ulo niya palagi.
Kaya gustuhin man namin siyang ipagtanggol ngayon, kami mismo’y baka naman masira kapag pinagtanggol namin siya, dahil ang lagi naming maaalala ay ang “history” ng mga isyu sa kanya.
‘YAN ANG lagi naming inire-remind sa mga artista. Hindi lang ang reporter ang dapat na magkaroon ng kredibilidad porke kami itong nasa media at nagsusulat.
Kahit ang mga artista at iba pang personalidad, dapat, me kredibilidad din, para once magsalita sila ay paniniwalaan agad sila ng mga tao.
Isa ngang ineksampol namin si Ms. Gloria Romero na kung sakaling mababalitaan nating napaaway sa isang staff ng airline, siyempre, iisipin natin, me ginawang palpak ang staff ke Tita Glo.
Kasi nga, hindi naman natin nababalitaang me gano’ng image si Tita Glo na konting kibot, konting utot, big deal, ‘di ba?
Baka nga bigla pa tayong tumalon agad sa konklusyon na, “Ah, kasalanan ‘yan ng staff, kaya sila inaway ni Tita Glo!”
Eh, si Claudine na naman? Pa’no ngayon ‘yan?
Ano ngayon ang iisipin mo, si Claudine na naman? Mahuhusgahan na naman siya niyan.
ANG SAD pa nito, ang “Claudine” ngayon ay para na ring “Noynoying”. Me ginawa nang kahulugan ang mga Pinoy na alam naman nating mahuhusay sa pag-iimbento ng mga salita.
Kung ang “Noynoying” ay “walang ginagawa o deadma sa mga nangyayari sa kanyang paligid,” ang kahulugan naman ng “Claudine” as noun ay “pagwawala, pagtatalak, pagtataray”.
So kung gagamitin mo siya as a verb o pandiwa, “’Wag ka ngang mag-Claudine diyan. Kawawa naman ‘yung tao, aping-api na sa ‘yo!”
Na ‘yung iba, ang kahulugan ng “Claudine” ay “nagda-drama at palalabasing siya ang naapi, pero siya naman ang nambugbog”.
BUT SERIOUSLY, sana, maibalik ni Claudine ang kanyang nadungisang kredibilidad para isang statement lang niya ay paniniwalaan siya ng mga tao.
At ito lang ang napatunayan namin sa aming sarili para hindi tuluyang madungisan ang kredibilidad ng isang tao.
‘Pag na-realize mong mali ang ipinaglalaban mo, ihingi mo ng sorry at magpakumbaba ka. Para magkaroon ka rin ng record sa mga tao na, “Ah, naniniwala ako diyan sa sinabi niyang ‘yan, dahil ‘pag mali siya, umaamin naman at nagsosori siya, eh!”
Oh My G!
by Ogie Diaz