MULING inalala ng dating Kapamilya actress at ABS-CBN teleserye queen na si Claudine Barretto kung paano siya nakapasok sa showbiz.
Ayon kay Claudine sa tsikahan nila ni Gladys Reyes sa online show na PELIkwentuhan sa Facebook page ng EBC Films, muntik nang hindi matuloy noon ang ambisyon niyang maging artista dahil tutol daw ang kanyang parents dito.
“Before Ang TV, nag-Repertory Philippines ako. So, teatro talaga ang pinasok ko at 10 years old. Tapos eleven years old sa Repertory nakuha ko yung lead ng Grease ni Olivia Newton John at John Travolta. Nanood si Douglas Quijano ng play ko,” pagbabalik-tanaw ni Claudine.
Si Douglas ay sikat na talent manager noon. Siya ang may hawak kina Richard Gomez, Joey Marquez, Aiko Melendez, Gwapings at marami pang iba.
Patuloy na kuwento ni Claudine, “Ayaw pumayag ng parents ko na mag-artista pa rin talaga ako. During that time, kinukuha pa lang nila ako for Gwapings the Movie. Yung kay Abby Viduya (a.k.a. Priscilla Almeda) na role. Yung parents ko ayaw talaga na mag-artista ako. Ang usapan namin hanggang theater lang talaga. Tapos wala na, wala nang iba.”
Nagsimula si Claudine sa paggawa ng TV commercials noon bago tuluyang pinasok ang pag-arte sa telebisyon at pelikula.
“Tapos doon na talaga ako pinatawag ni Mr. M. (Johnny Manahan na head ng Star Magic). And then, doon ko na kinulit nang kinulit ang magulang ko. Pero ayaw pa rin nila.
“Gusto lang siguro nila na for me is to live a normal life… ‘Since gusto mo naman umarte sa theater, mag-theater ka na lang. Wala namang mga intriga doon. Walang scandals,” payo kay Claudine ng kanyang parents.
Dumating din daw siya sap punto ng pagrerebelde dahil hindi nga siya pinayagang mag-showbiz.
Ani Claudine, “Nilinlang ko sila, eh. Sabi ko, okay na sa akin ang theater. Pero nung dumating na yung point na in-offer ang Ang TV sa akin, hindi talaga ako kumain. Nag-hunger strike ako. Nagpa-ospital talaga ako para pumayag (sila).”
After ng kanyang hunger strike ay pinayagan na raw siya ng kanyang parents na mag-artista at mapabilang sa ABS-CBN show na Ang TV.
“Hindi ko talaga na-feel kahit kailan na trabaho siya when I was doing Ang TV. Kasi Saturdays lang naman ang taping, eh. Walang school… ganyan. Sa akin laro lang talaga,” kuwento ulit niya.
Para kay Claudine, isa sa pelikulang hindi niya malilimutan ay ang Anak kasama si Vilma Santos na naging box-office hit noon.
“I’m so thankful kasi ang soap opera nasa bahay lang sila, papanoorin ka nila, parte ka na ng buhay nila. Pero para lumabas sila ng bahay, mag-commute sila, magbayad sila ng pera na suweldo nila or baon nila, itatabi nila para manood ng pelikula iba yon. Mas fulfilling as an actress para sa akin ang magkaroon ng pelikula,” sambit pa ng magaling na aktres.
Kabilang sa mga pelikulang ginawa ni Claudine noon sa Star Cinema ay ang Dahil Mahal na Mahal Kita, Got 2 Believe, Kailangan Kita, Milan, Nasaan Ka Man, Sukob at Etquette for Mistreses.
Bumida naman siya sa mga teleserye ng ABS-CBN na Mula sa Puso, Saan Ka Man Naroroon, Sa Dulo ng Walang Hanggan, Marina at Iisa Pa Lamang.