NAPAIYAK SA SOBRANG kaligayahan kamakailan si Claudine Barretto. Nakarating sa kanya ang kuwento na nu’ng interbyuhin ni Direk Laurice Guillen ang Star for All Seasons (para sa TV special ni Gov. Vilma Santos na ipalalabas tuwing Sabado nang gabi sa buong buwan ng Agosto sa ABS-CBN), sinabi ng aktres-pulitiko na siya ang nakikita nitong susunod sa kanyang mga yapak bilang artista.
Pagkatapos ng panayam kay Gov. Vilma, marami agad ang nagtawagan kay Claudine. Napakalaking karangalan nga naman para sa isang tulad niya ang mapisil ng Star for All Seasons sa dinami-rami nilang mga kabataang aktres na nangangarap maging isang Vilma Santos pagdating ng panahon.
Diretsong tinanong ni Direk Laurice si Gov. Vilma kung sino sa mga sikat na kabataang aktres ngayon ang nakikinita nitong magiging Vilma Santos isang araw.
Ayon sa aktres-pulitiko, noon pa man ay sinasabi na nitong si Claudine Barretto ang kanyang nakikita. Panahon pa ng pelikulang Anak na ginawa nila sa Star Cinema, ganu’n na ang palaging sinasabi ng gobernador ng Batangas.
Natural, nang makarating ‘yun kay Claudine, napaiyak ang isa sa mga pambatong artista ng Star Magic. Dati na raw niyang naririnig ang mga komplimento sa kanya ng hinahangaan niyang tao at artista, pero iba kapag lantaran nang sinasabi ‘yun ni Gov. Vilma.
“Hindi ko ma-explain ang feeling ko, parang ang dami-dami ko nang tinatanggap na compliments, pero ibang-iba kasi kapag si Governor Vilma na ang nagsasalita.
“Siya na ‘yun, e. Siya na mismo ang nagsasabi, kaya ang saya-saya ko nu’ng nalaman ko ang sinabi niya sa interview. Sobrang na-touch ako, ang feeling ko, nagkaroon ng saysay ang mga ginawa ko at ginagawa pa, dahil isang respected, sikat at tinitingalang figure ang nagbigay ng papuri sa akin,” ramdam na ramdam namin ang kaligayahan sa boses ng magandang aktres sa kabilang linya.
KABABALIK LANG MULA sa ibang bansa nina Raymart Santiago at Claudine kasama ang kanilang mga anak na sina Sabina at Santino. Isang buwan silang nagbakasyon sa Amerika, isang napapanahong bakasyon ang ginawa ng pamilya dahil sa sobrang tensiyon na naranasan ni Claudine nu’ng mga nakaraang buwan.
Nalagay sa alanganin ang buhay ng kanilang anak na si Sabina noon. Naging saksi kami sa mga tinatanggap niyang text messages ng pananakot ng mga taong nagtangkang dukutin ang bata. Sa loob lang ng kalahating oras, sampu hanggang 12 text at tawag ang tinatanggap ni Claudine.
Iba-ibang numero ‘yun, isa-isa nilang minamarkahan ang mga numerong ginagamit ng mga nananakot, saka nila ibinigay sa mga tauhan ng NBI. Nahuli ang babaeng nagpunta pa sa eskuwelahan ng bata. Mabuti na lang at nakatawag agad sa kanila ang yaya ni Sabina para ikuwento ang pagpipilit ng babae na makuha ang kanilang anak.
Pulido ang operasyon ng grupo, kilala ng mga ito pati ang mga kamag-anak ni Claudine. Nagtangka pa ang grupo na magpasok ng kanilang kasamahan sa mismong bahay nina Raymart at Claudine para mas maging madali para sa kanila ang pagkuha ng mga detalye tungkol sa galaw ng pamilya.
Tahimik na pinaimbestigahan nina Raymart at Claudine ang grupo, hanggang sa masukol ng mga NBI agents ang isa sa kanila. Umamin naman ang babae tungkol sa plano ng grupo pero pinayagan itong makapagpiyansa.
Sobrang stress ang inabot ni Claudine. Ilang buwan silang hindi nagkaroon ng kapayapaan ng kalooban. Hindi siya sanay na lumakad nang may bodyguard pero kinailangan niyang gawin ‘yun para sa kaligtasan ng kanilang anak ni Raymart.
Aminado si Claudine na kayang-kaya niyang harapin ang kahit gaano katinding intriga. Pero hindi niya puwedeng basta pabayaan na lang ang isang pangyayaring delikado at totoong-totoo na, lalo na kung ang mga anak na nila ni Raymart ang puntirya ng mga ito.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin