BULL Chit!
by Chit Ramos
LALONG LUMAKAS ANG rating ng May Bukas Pa magmula noong Lunes nang lumabas bilang guest star si Claudine Barretto. Nangangahulugang malakas pa rin ang hatak ng ina ng tunay na “Santino.”
Masayang ibinalita ni Eric John na umabot ng 41. 8% ang rating noong Lunes. Pangkalahatan (meaning nationwide), 41.4% naman ang rating ng show.
Magandang senyales ito para sa pagbabalik ni Claudine. Balita kasing may nakatakdang project na sisimulan ang aktres sa Star Cinema. Isang malaking pelikula kung saan makakasama niya ang dalawang malalaking artista ng ABS-CBN. Welcome kay Claudine ang pagge-guest sa May Bukas Pa ‘pagka’t hindi ito katulad ng huli niyang nagawang teleserye na halos hindi niya mabigyan ng panahon ang asawa (Raymart Santiago) at anak na si Santino.
Dahil, maaga pang ipinalalabas ang MBP gising pa si Santino ni Claudine. Madalas, napapatingin sa tao kapag tinatawag ang kanyang pangalan. Panay-panay naman ang explain ni Claudine sa anak.
Dahil din sa pangyayari, posibleng habaan ang participation ni Claudine bilang sagot ng ABS sa matinding clamor ng audience. Lalong posible that after Claudine, may mga naka-line-up pang big star na magiging guest din sa nasabing teleserye. “Pinaka-bonus ito ng Kapamilya station sa mga tagasubaybay nila,” patuloy ni Eric John.
Ibang Boots Anson-Roa naman ang napapanood sa MBP. Ginagampanan niya ang role bilang masungit na ina ni Claudine. Siya ang pasang-krus ng anak. Ewan kung aamin ang mga inang katulad niya o kahit sinong nilalang na laging nagsisimba, nagdarasal habang hawak-hawak ang rosary na pakitang-tao lang ang kanilang pagiging relehiyoso. Sa totoong buhay, kabaliktaran ang ginagawa nila.
Kung paano magbabago ang buhay ni Claudine sa pasakit na dulot ng kanyang sariling ina ay sasagutin ni Santino (Zaijan Jaramillo).
MAAGANG NAKARANAS ANG inyong lingkod ng “pasakit” nang mahagip ng isang FX ang panaganay kong si Patty noong Martes ng hapon.
Naghihintay siya ng stop signal sa kanto ng Annapolis, Aurora Blvd. sa Cubao (papunta siyang Gateway for a meeting), nang mabundol ng isang FX, kung saan ang driver ay hindi nakatingin sa dinadaanan, kundi sa MMDA na nanghuhuli.
Sa kaiiwas na masagasaan, natumba ang anak ko at nagulungan ng FX ang kanyang paa.
Buti na lang at may magandang kalooban na nakakita (isang barker), si MacMac Netuliono, na tumulong sa kanya at kinausap ang driver na isugod siya sa Quirino Hospital sa Proj. 4.
Hindi lang sakit ng kalooban ang naranasan ko bilang ina, dahil ayaw akong papasukin ng guard kahit ilang beses akong nagpakilala na ina ng naaksidente. Pinilit kong pumasok at sumunod pa rin. Pilit talaga akong pinaaalis. May nauna na raw kasing dumating sa akin na tumingin sa anak ko. Muntik na naman akong masubo sa suntukan. Buti na lang at anak ko pang naaksidente ang umawat sa akin habang nakaupo sa wheelchair. Ganu’n daw talaga kapag government hospital.
Buti na lang at walang broken bones nang ma-x-ray ang anak ko. Salamat din kay Dr. Victor Marasigan na nagsabing kapag ininom ang mga gamot na inireseta niya, makakalakad pa rin nang normal ang anak ko.