NAKAPAGBIDA NA si Bianca King dati sa seryeng Sinner Or Saint. Pero sa bagong serye ng GMA-7 na Broken Vow, kung saan lead role ulit ang kanyang gagampanan, excited siya dahil mas mabigat umano at challenging ito.
“’Yong pinagdaanan ng character ko ay isang napakatinding trauma ng isang babaeng inabuso physically and sexually,” aniya.
“So… mabigat siya para sa akin. Napilitan ako na sa sarili ko, mag-relate do’n. Na nararamdaman ko minsan ‘yong pagka-aloof na parang ayokong nahahawakan, ayokong nakakausap masyado. Pero in between takes lang naman iyon. Hindi sa totoong buhay.
“Natuwa nga ako no’ng ibinigay sa akin ito. Hindi nga ako makapaniwala na ‘yong ganito kahirap na role na usually aayawan ng ibang artista dahil nga may rape scene. At ‘yong pagkaka-shot namin ng eksenang iyon ay mukhang totoo na talaga. Hindi siya mukhang daya lang. Tapos, aside from that pa, ‘yong six years after sa story, ii-age ako ng six years. Magiging nanay ako ng isang batang five years old. Na ayaw ng iba of my age na mag-mother role, ‘di ba? Pero para sa akin, malaking challenge bilang 25-year old na single na babae na walang anak na i-convince ‘yong viewers sa gano’ng character na ipinu-portray ko.”
Bukod sa pagbibida niya sa Broken Vow, isa pang malaking fulfillment na itinuturing ni Bianca ‘yong pag-graduate niya sa kursong Filmmaking nitong February 11.
“Sa wakas, after 6 years, natapos na rin. Tapos na tapos na talaga.”
Magdidirek na rin ba siya?
“Hindi pa muna sa ngayon. Magpu-focus muna ako sa pag-aartista kasi kaka-sign ko lang ng bagong two-year contract sa GMA. So, gusto ko muna talagang umarte sa harap ng camera.
“Nagagamit ko na rin naman ‘yong pinag-aralan ko sa filmmaking, eh. Meron akong karagdagang skills at impormasyon na natutunan ko by the book also because of school. Maliban sa practical experience ko sa set kapag nagti-taping, ‘di ba? Malaking tulong ‘yon din sa pag-appreciate ko sa work ko.”
Nitong February 10, a day before her graduation nga, dumating sa Pilipinas ang mommy at lola niya. At masaya raw si Bianca na muli silang nagkasama.
“Nag-Christmas ako sa Canada tapos nagpunta rin ako sa San Francisco (kung saan nakabase nga ang mga kaanak niya). Nagkita-kita naman kami. Pero ‘yong Mommy ko, hindi pa nakita ‘yong bahay ko (na naipatayo niya from her earnings sa showbiz). Kasi 2008 pa no’ng huling umuwi siya rito. So, habang nandito ang Mommy ko sa Pilipinas, makikita n’yo siya na kasa-kasama ko lagi. Meron kaming two weeks to be together.
“Sobrang proud ang Mommy ko na maganda ang takbo ng career ko ngayon. Kasi only child ako, eh. Kahit no’ng wala siya rito sa Pilipinas, araw-araw kaming nag-uusap.”
Naipakilala na niya for sure ang rumored boyfriend niyang si Dennis Trillo sa mommy at lola niya pagdating nga ng mga ito sa Pilipinas.
“Kilala na naman nila. At wala namang problema.”
So, boto naman pala kay Dennis ang family niya. How will she spend Valentine’s Day?
“Magpapahinga ako. I’ll spend time with my family… my loved ones. Hindi ko na sasabihin kung saan kami. Secret na lang.”
Gusto pa sana naming magtanong about Dennis. Pero panay ang senyas ng kanyang kasama na road manager yata niya na no questions about Dennis daw.
Ganyan?
NAPANOOD KAYA ni Gabby Concepcion ang interview ni Cristy Fermin sa ex-wife nitong si Jenny Syquia at anak na si Cloie na umere sa Paparazzi Showbiz Exposed na every Saturday, 1:30 to 3:00 PM na ang bagong timeslot?
Umuwi kasi ng Pilipinas ang mag-ina for a short vacation ga-ling Sweden kung saan sila nakabase. Nakakaantig ng damdamin ang pag-iyak ni Cloie nang mahingan ng mensahe para sa ama niyang si Gabby. Hindi na nga nito naituloy ang mensaheng nais niyang iparating sa ama.
Si Jenny na lang ang sumalo. Mahirap daw for Cloie to say something para sa amang hindi pa nito nakikita nang personal.
At nakapagtataka kung bakit parang dedma lang nga si Gabby nang dumating sa Pilipinas si Cloie. Kasi kung sa ibang ama nga naman na baby pa nang huling makita ang anak, talagang mag-i-effort nga raw na magkita sila.
Kung ang half sisters nga ni Cloie na sina KC Concepcion at Garie (anak ni Gabby kay Grace Ibuna), nakapag-bonding.
Kaya marami ang nagtatanong kung bakit hindi nagkita sina Gabby at Cloie. Imposible raw na hindi nito alam na dumating sa bansa ang anak.
Ano nga kaya ang rason at hindi nakipagkita si Gabby? Hinayaan lang ng aktor na bumalik sa Sweden si Cloie na talagang iniinda ang sakit na bigo pa rin itong makaharap ang ama?
Tsk, tsk, tsk!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan