ANG PAGKAPANALO NG kababayan nating si Efren Peñaflorida bilang Hero of The Year ng CNN ay isang matinding patunay na naman kung gaano ka-adik ang mga Pinoy sa texting at internet.
Sa isang pag-aaral ilang taon na ang nakararaan, nangunguna ang Pilipinas sa rumehistrong may pinakamalaking nagagastos sa texting. Ganu’n katindi ang ating lahi sa pagte-text. Kaya kung ang labanan ay dadaanin talaga sa botohan sa text, malaki ang laban ng mga Pinoy kahit saang larangan.
Si Efren Peñaflorida na tubong-Cavite, tunay namang kahanga-hanga sa kanyang Kariton Classroom. Nag-iikot si Efren at ang kanyang mga kasamahan sa iba’t ibang lugar na gamit ang kariton sa pagtuturo sa mga out-of-school-youth.
Kumpleto ng kagamitan ang kanilang kariton, meron silang blackboard, iba’t ibang klase ng libro, mga coloring books at iba pang mga gamit na pang-eskuwela.
Wala silang sinisingil sa kanilang mga tinuturuan, libre ang kanilang serbisyo. Maraming salamat kung may magbibigay ng donasyon pero kung wala naman ay tuloy pa rin ang kagandahan ng kanilang kalooban sa pagtuturo sa mga kabataang inililihis nila sa masamang bisyo.
Nagtapos ng kursong Edukasyon si Efren, tunay siyang guro. Pero sa halip na pormal na magturo sa mga paaralan ay mas pinili niyang serbisyuhan ang mga kabataang walang kakayahang makapag-aral.
Natutukan namin ang panayam ni Efren Peñaflorida kamakailan sa DZMM. Sinsero ang kanyang hangaring mapalawak ang kahalagahan ng edukasyon sa mga kabataan. Hindi siya bumibitiw sa kanyang paniniwala na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
Dapat lang tanghaling bayani ang tulad ni Efren na ginugugol ang kanyang pinag-aralan at panahon para matuto ang mga kabataang ni pambili ng lapis at papel ay wala.
“Para sa akin kasi, mayaman at mahirap, may karapatang magkaroon ng magandang edukasyon. Hindi naman para sa mayayaman lang ang edukasyon, mahihirap man, may karapatang matutong bumasa at sumulat.
“Napakasakit sa kalooban kong makakita ng mga bata na kaya hindi nakapag-aral ay dahil wala silang pera. Puwedeng matuto ang mga bata sa maraming paraan. Kundi sila kayang bigyan ng panahon sa bahay para matuto, puwede silang matuto sa tulong ng ibang tao.
“Du’n namin inilunsad ang Kariton Education, nag-iikot kami sa iba’t ibang lugar para makapagturo. Simple lang naman ang kailangan, isang maluwag-luwag na lugar para sa aming mga kariton, dahil dala-dala na namin ang kagamitan para sa kanilang pag-aaral,” kuwento ng kababayan nating tinanghal na CNN Hero of The Year.
NAALARMA KAMI SA sinabi ng isang kaibigan. Sana raw ay maputol na ang kalungkutan sa showbiz sa pagpanaw nina Johnny Delgado at Bernard Bonnin. Sana raw ay huwag nang masundan pa ang magkasunod na pagluluksa ng lokal na aliwan.
“Kadalasan kasi, tatluhan ang ganyang kaganapan. Parang tungkong-kalan, mahirap magluto sa dalawang tungko lang. Kasabihan ‘yun ng matatanda. Kapag may nauna, may susunod at meron pang isang kasunod ang pagluluksa.
“Kung mapapansin n’yo, kapag may nawalang isa, meron pang sumusunod na dalawa. Ewan kung nagkakataon lang, pero palaging ganu’n ang nangyayari,” kuwento ng aming kaibigan.
Ilang linggo bago pumanaw si Johnny Delgado ay naikuwento sa amin ng mag-asawang Tirso Cruz III at Lyn Ynchausti-Cruz na tumutok sa pagpipinta ang magaling na aktor habang nagpapagamot.
“Binigyan niya pa kami ng isang obra niya, marami siyang ginawa, ‘yun ang ginawa niyang libangan habang nagpapagamot siya,” kuwento ni Pip.
Ang taos-puso po naming pakikiramay sa mga inulila nina Johnny Delgado at Bernard Bonnin, dalawang aktor na kinilala sa kani-kanilang panahon.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin