MAY PALIWANAG si Coco Martin kung bakit niya tinutulungan ang maraming artista na binigyan niya ng trabaho noon sa Ang Probinsyano at ngayon naman ay sa Batang Quiapo na nagsimula nang umere nitong Lunes, Feb. 13.
“Eh, kasi, nagsimula rin talaga ako sa wala. Sabi ko nga, ano lang ako dati, ekstra, ‘di ba?
“First acting experience ko, minura ako nu’ng direktor. Tapos, pinapapalitan ako. Mahirap ‘yung pinagdaanan ko bago ako naging ganap na artista talaga,” pahayag ni Coco.
“Tapos, hindi man totally pag-aartista ang pangarap ko, normal na trabaho lang, ang hirap nu’ng oportunidad. Naranasan ko dati kahit nag-eekstra ka na, ngayon, meron, six months, wala. Nu’ng nag-indie film ako, naranasan ko, P2,000 lang ‘yung ibinayad sa akin. Ako ang bida sa buong pelikula.
“Kumbaga, talagang gapang. Tapos, ang sabi ko noon sa sarili ko, lagi kong hinihintay ang oportunidad.
“Ngayon na kahit papa’no, may pagkakataon ka, or nasa kamay ko na makatulong, bakit ko ipagkakait? Eh, kasi, yan ‘yung hinihintay ko dati, eh, para mabuhay ko ‘yung pamilya ko.
“Kaya nakikita ko yung mga tao na puwede kong tulungan at nakikita kong deserving, bakit hindi, di ba? Bakit ko pahihirapan pa? Ang daling ibigay.
“Eh, ang ibinibigay ko naman sa kanila, trabaho. Hindi naman manggagaling sa bulsa ko ‘yan. Pero isa lang ang lagi kong hinahanap sa kanila, yung commitment, dedication at pagiging professional. Yun lang at saka mahalin lang nila ‘yung trabaho,” paliwanag pa ni Coco.
Hindi lang artista si Coco sa Batang Quiapo. Co-director din siya ng aksyon serye kasama si Direk Malu Sevilla, and co-producer din under CCM Film Productions.
Kasama ni Coco sa Batang Quiapo na trending at pinag-usapan nang husto ang pilot episode sina Cherry Pie Picache, Lovi Poe, Christopher de Leon, John Estrada, Lito Lapid, Mark Lapid, Irma Adlawan, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, Tommy aaaaaaAbuel, McCoy de Leon at Charo Santos.
Mapapanood ang Batang Quiapo weeknights sa Kapamilya channels, iWantTFC at Kapamilya Online Live, A2Z at TV5.