NASA MAINSTREAM NA nga si Coco Martin. Pinatunayan niya ito sa mga makabuluhang pelikula ginawa niya tulad ng Kinatay, Jay, Serbis, at Masahista. Biggest break ni Coco for television ang teleseryeng Tayong Dalawa, kung saan tinanghal siyang Best Drama Actor ng PMPC Star Awards for Television. Naging Gawad Urian at Golden Screen Award Best Supporting Actor ang binata para sa indie film na Jay. Kinilala at hinangaan ang husay niya sa pag-arte kaya tuluy-tuloy ang proyekto niya sa Kapamilya network.
“Masaya ako, na-recognize ng mga tao ‘yung pinagtrabahuhan ko, biggest break ko ‘yung teleserye with Kim (Chiu), Gerald (Anderson) at Jake (Cuenca), napansin ako! Bonus na lang ‘yung pagiging Best Actor ko, hindi ko nilalagay sa utak ko ‘yung pagkakapanalo ko. I’m happy pero hanggang du’n na lang, ”simpleng sabi niya.
Kahit malaking artista na si Coco, nakaapak pa rin ang paa niya sa lupa. Walang yabang sa katawan kaya maraming nagmamahal sa kanya. “Nanggaling ako sa indie film, lahat tayo’y pantay-pantay, artista man o crew. Sa bawat project na ginagawa ko, pelikula man o teleserye, nagpapaka-involve ako. Mas komportable akong ka-bonding ‘yung mga crew kasi simple lang ‘yung pinanggalingan ko. Mas nakaka-relate ako sa mga kuwento ng mga staff sa production. Sa mga kapwa ko artista, feeling ko naa-out of place ako. Nakikipagkuwentuhan din ako sa mga artista pero ayokong limitahan ang sarili ko ‘du’n,” sey niya.
Masuwerte si Coco, naka-tatlong teleserye in a row na siya sa ABS-CBN. This time, siya si Ringo, intelligent and kind-hearted ang papel na gagampanan niya sa Kung Tayo’y Magkakalayo. May halong kaba’t takot ang binata nang malaman niyang makakatrabaho si Kris Aquino sa nasabing soap.
“Siyempre, si Ms. Kris Aquino ‘yan. Nu’ng una, natakot ako sa kanya. Kapag dumarating siya sa set lahat kami tumatahimik pero kapag tumagal makikita mo ‘yung kabaitan niya. Pero later on nakita ko, siya pa ‘yung nagri-reach out sa aming lahat. Nakikisama siya sa amin. Last Christmas, lahat kaming katrabaho niya binigyan n`ya kami ng regalo. Masaya siyang kasama, kapag naging masaya na siya lahat kami nabubuhay bigla,” kuwento niya.
Aminado si Coco na may speech defect siya. “Yes, may lips problem ako pero para sa akin, iba-iba ang pagiging actor. Paniwala ko, hindi mo kailangang maging perpekto. Sa indie film, nasanay akong umarte bilang tao kasi ‘yun ang dapat makita ng mga manonood. Ayokong maging conscious masyado na kailangang perpekto ‘yun pagsabi ko ng lines. Sinusubukan kong ayusin, baka lalo lang akong sumablay nang todo. Ang mahalaga, maibigay ko ‘yung tamang emosyon,” paliwanag ng actor.
Nakilala si Coco sa mga sexy films bago naging serious actor. Given a chance, willing pa kaya ang binata to do daring scenes? “Hindi ko mararating ang kinalalagyan ko sa ngayon kung hindi sa mga sexy films na ginawa ko in the past na pulos indie films. Hindi ko ikinahihiya ‘yun dahil napuri ako du’n at nanalo ‘yun ng awards sa abroad. Bilang artista, dapat lahat-lahat pagdaraanan mo. I’m proud of myself kasi nagawa ko ‘yun. Iniisip kong artista ako, kung ano ‘yung role, trabaho kong gagampanan ‘yun nang mahusay.
“Given a chance na gumawa uli ng sexy roles, why not!? Maganda ‘yung materyal at magagaling ang makakasama ko, hindi ako magdadalawang-isip na tanggapin ‘yung project. ‘Yung ibang artista, gusto nilang magpaka-wholesome lang pero ako malalim ang pagtingin ko sa propesyong ito. Ayokong limitahan ‘yung sarili ko. Wish ko this year, makatrabaho uli si Direk Brillante Mendoza na siyang nagbigay sa akin ng break para maging artista at marating ang kinalalagyan ko sa ngayon,” seryosong pahayag ni Coco Martin.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield