HAPPY KAMI para kay Coco Martin. Malayo at mahirap ang nilakbay niya bago niya narating kung saan man siya ngayon nakapuwesto. Nagsimula sa mga pa-indie-indie’ng mga pelikula na ‘di mo alam kung saan palabas na sinehan hanggang sa sumuko at nakipagsapalaran sa Canada para mabuhay lang, pero kung susumahin, malayo na rin ang tinahak niya. Maraming pagsubok. Maraming sagabal na pinagdaanan pero naalpasan niya.
Kaya nga sa kanyang ika-10 year sa showbiz, magse-celebrate siya kasabay ng kanyang kaarawan, pero sa October 29 magaganap ang piging. Sa araw ng mga patay kasi ang totoong birthday ni Rodel (totoong pangalan niya), pero days before his birthday, may isang malaking pasasalamat siya na magaganap.
Sa loob ng sampung taon niya sa showbiz kung saan naging survivor siya, hindi lahat ng tao ay nakararaos. Hindi lahat ay nagiging survivor. Kaya naman, pasasalamat niya ng malaki sa Itaas dahil sa natatamo niyang tagumpay.
Ngayon na isang seryosong aktor at iginagalang ng kanyang mga kaliga, happy kami sa kanya. Mula nang maging isa siya sa mga importanteng aktor ng Kapamilya Network, mas nadagdagan ang confidence niya. Dati mahiyain si Coco na maging hanggang ngayon, walang ipinag-iba ang paguugali niyang ito. Kung minsan, naaalangan siya na bumati sa mga kakilala. Pakiwari niya baka mapahiya siya kung ‘di siya maa-acknowledge.
Sa birthday niya, masaya siya pero may konting lungkot dahil sa pagtatapos ng isa sa mga mahahahalagang teleserye ng career niya, ang Ikaw Lamang na simula mamayang gabi ay huling linggo na ng palabas.
“Kaya nga tuwing palapit na ang ending, daming mga kainan. May kanya-kanyang dala ng pagkain ang mga artista sa set para sa lahat. Pasasalamat. Pero nakalulungkot din dahil for almost a year na magkakasama kami sa show, maghihiwalay na kami,” may lamyang sabi ng aktor sa ilang mga press people na dumalaw sa set ng kanilang teleserye sa may bandang Lantana St. sa Cubao sa Kyusi.
“Every project naman, may natutunan ako kaya happy ako. Nakasama ko ang mga artista na hindi ko akalain na makakaeksena ko. Sino ba naman ako? Hindi ko ini-expect na mararating ko ito sa buhay ko ngayon.”
Kung sabagay, si Coco, sanay sa mga pagsubok na mula sa pagiging isang indie actor sa mga kung anu-anong pelikula; sa pakikipagsapalaran niya sa Canada, heto na siya at hinahangaan ng marami.
After ng kaliwa’t kanang mga papuri, si Coco mapagkumbaba pa rin na riyan naman kami bilib sa aktor. Mabuhay ka.
MAHILIG AKO sa mga horror films. Kahit mga katsipang zombie films, aliw ako sa mga walang wawang paglalakad ng mga taong patay na buhay na ang mga itsura ay naaagnas na.
Kaya nga sa pagbabalik-pelikula ng T’yanak (from the orginal title and spelling na Tiyanak) na this time ay si Judy Ann Santos ang bida ay natuwa kami. Fan kasi kami ng mga pelikulang katatakutan. Napanood kasi namin ang original na Tiyanak noong 1988 kung saan bida si Janice de Belen with Lotlot de Leon at ang namayapang si Mary Walter as the “lola” na sa simula pa lang nang makita ang bata, alam niya na hindi tao ang natagpuang sanggol ni Janice sa loob ng kamalig kundi “maligno”. Imagine, isang sanggol ang mamamatay-tao na ang cute na baby at inaalagaan ni Janice de Belen ay katakot dahil mamamatay-tao pala.
Sa obra pa rin ng mga orihinal na direktor na sina Peque Gallaga at Lorie Reyes, mas magiging modern ang atake ng pelikulang ito ni Juday na naging trademark na ni Janice noon. May biruan kasi noong kainitan ng Tiyanak, ang phrase na “ang anak ni Janice…” na naging by word ng publiko.
Pero may bagong treatment sina Direk Peque at Lorie sa mas modern version ng pelikula nila na 25 years ago na isang horror classic na at naging isang box-office success.
Malamang, hindi na sa probinsiya ang eksena. Siguro, dahil mas modern na, dapat mas shocking ang mga eksena lalo pa’t sunud-sunod ang mga horror-suspense film na mula sa ibang bansa na pinagkakaguluhan ng mga kabataan.
“Juday can give justice sa film,” kuwento ni Janice sa isang panayam.
Kasama nina Juday sa T’yanak sina Solenn Heusaff, Sid Lucero at Tom Rodriguez.
Ngayon na usong-uso ang mga pelikulang kakatakutan like Conjuring, Anabelle at ang magkasabay na Horror Filmfest sa October 29 na foreign movie na Ouija na super katakot sa trailer pa lang, I’m sure enjoy ang mga bagets, lalo na ako na kahit katsipan na horror film ay pinapatulan ko.
Reyted K
By RK VillaCorta