DISMAYADO ang FPJ’s Ang Probinsyano lead actor and director na si Coco Martin sa pagsasara ng ABS-CBN kagabi, May 5, nang matanggap ng network and “cease and desist” order mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Idinaan ni Coco sa kanyang Instagram account ang kanyang nararamdaman at naniniwala siyang kawalang-katarungan ang ginawang pagpapasara sa ABS-CBN kung saan napapanood ang Ang Probinsyano.
“Tutal wala naman kasiguraduhan kung buhay pa ako pagkatapos ng pandemic na ito. Tama lang na masabi ko ang mga saloobin ko.
“Sa mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag na panatag na ang kalooban niyo. Sana nagdala ito ng lubos na kaligayahan sa mga puso ninyo. Mahirap magsawalang-kibo sa mga taong katulad ninyo na patuloy na nang-aabuso.
“Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya! Lalo lang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino! Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?
“Hindi ako mangingiming sabihin ang totoong nararandaman ko ngayon. Sa mga taong tulad niyo na hindi karapat-dapat pakitaan ng diplomasya at pagkamalumanay. Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan!
“Galing ako sa hirap at jologs ang pagkatao ko, kaya wala akong pakialam ngayon kung anong sasabihin ng ibang tao. Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!
“Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!
“TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!” kumpletong post ni Coco sa Instagram.