INILABAS lahat ni Coco Martin ang lahat ng nararamdaman niya sa pagsasara ng ABS-CBN nitong Biyernes ng gabi (May 8) sa online protest ng ABS-CBN sa Facebook. Kasama ni Coco ang iba pang mga Kapamilya stars na nagpahayag din ng kanilang saloobin.
“Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna niyo pang isipin ipasara ang ABS-CBN kesa tugunan ang pangangailangan ng ating bansa?
“Kami pong mga artista, ang ABS-CBN, kami po ang isa sa pinakamalaking nagbabayad ng buwis sa ating bansa. Kami po, may binabayaran po kaming tax taon-taon. May binabayaran po kaming VAT every month. Napakalaki ng naitutulong namin, bukod sa ibinabayad naming tax. May serbisyo kaming ibinibigay sa mga tao. Pumupunta kami sa ibang bansa para kamustahin ang mga OFWs.
“Bakit dumating ang pagkakataong kami ang naisip ninyong tanggalin? Sa panahon ngayon kung saan ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa mga tao ngayon? Ano pong malaking problema doon?” simulang pahayag ni Coco sa FB Live.
Nagbigay din siya ng mensahe sa mga bashers at trolls na umaatake sa kanya at sa TV network.
Aniya, “Sa lahat ng mga taong naninira sa amin, hindi kayo pwedeng labanan o kausapin nang mahinahon. Ngayon, kakausapin ko kayo sa sarili ninyong lengguwahe. Pasensiya na po kayo, galit na galit ako. Galit na galit ako…”
“Ano po bang uunahin natin ngayon? Tanggalin ang kumpanya na tumutulong sa ating kapwa, sa lahat ng mga Pilipino? O ‘yung sugal na ipinapasok sa ating bansa? Buti pa ‘yung POGO ipinaglalaban ninyo. Itong kumpanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, ipinasara ninyo. Ano ‘yun?
“Tapos ‘yung mga tao, tuwang-tuwa? Tuwang-tuwa kayo na nawalan ng trabaho ang 11,000 na tao. O ngayon, kaming 11,000 na tao, anong mangyayari sa amin ngayon? Ngayon, kaming mga artista, paano namin tutulungan ang ilang pamilyang tinutulungan namin at binubuhay namin?
“Anong sabi ni Harry Roque? “O, pumila kayo sa DOLE. Huwag kayong mag-alala, bibigyan namin kayo ng ayuda. E, kung ang buong Pilipinas nga hindi ninyo ma-supplyan, e, pati kami makikidagdag? Ano pong gagawin namin ngayon?” dagdag pa ng aktor na bida at director ng FPJ’s Ang Probinsyano.
“Pinagiisipan ko kung saan ko ito dadalhin. Sa maihinahon na pakiusapan? Tingin niyo, pag kinausap ko kayo ng mahinahon, ayos? Maaawa kayo sa amin? Pipigilan ko pa ang nararamdaman ko? Lahat naman tayo walang kasiguraduhan kung makakalagpas sa COVID-19 na ito. Bago pa matapoa ito, ang importante masabi ko kung ano ang totoo kong nararamdaman sa inyo,” muli niyang pahayag.
Nang huminahon si Coco, muli siyang humingi ng dispensa. Hindi lang daw talaga niya mapigil ang sama ng loob niya sa tuwing naiisip niya kung gaano karaming tao ang naaapektuhan ng sitwasyon.
“Pasensiya na po kayo. Sorry po, sorry po. Sobra po ang galit talaga. Alam kong hindi lang ako. Marami sa mga kasamahan ko sa industriya. Pero kung hindi ako maglalakas ng loob, kung magpapaka-neutral ako, kung magpapaka-diplomasya ako, sa tingin ko, hindi ito ang tamang pamamaraan para kausapin kayo,” sambit niya.
“Ako, bahala na bukas. Sasabihin ko na kung anong nararamdaman ko. Binarubal na tayo e, tinarantado na tayo, kinuha na ‘yung bahay natin. Anong i-eexpect natin? Ipagdarasal natin sila? Pinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila. Dapat kumilos tayo! Dapat magsalita tayo!
“Dapat marinig kung ano ang nawala sa atin. ‘Yung 11,000 na nasa ABS-CBN, iparinig ninyo! Kasi kung lahat tayo mananahimik, aabusuhin tayo. Para tayong batang kinotongan at pagkatapos, kapag nagkita kayo, anong i-eexpect mo? Kasi ito na ‘yung pagkakaton natin. Wala na tayong trabaho, anong iniingatan natin?
“Ako honestly, wala na akong trabaho. Anong ipapakain ko sa pamilya ko? Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako ng patayan. Kahit patayin mo pa ako,” matapang na pahayag ni Coco.