Pangako pala ni Coco Martin sa dalawang batang kasama niya sa “FPJ’s Ang Probinsiyano” na sina Onyok at Awra na kapag may pelikula siya sa MMFF sa December, isasama niya ang mga ito.
Kaya nga ang dalawa, happy at pursigido sa kanilang trabaho sa action-serye nang malaman nila na may entry si Kuya Coco nila at Vice Ganda na “The Super Parental Guardians” na produced ng Star Cinema.
Kahit pagod sa halos araw-araw na taping sa aksyon-serye, se-segue pa ang aktor sa shooting ng pelikula nila ni Vice.
Maging ang komedyante, after ng kanyang noontime show na halos natatapos nang ala-tres ng hapon daily, maglalagare pa ‘yan sa shooting nila para makahabol sa deadline na ibinigay ng MMFF Screening Committee.
Excited pa naman sina Coco at Vice nang matapos nila ang movie sa direksyon ni Direk Bb. Joyce Bernal. Kaso sa desisyon ng screening committee ay laglag sila. In short, hindi nakasama ang “The Super Parental Guardians” sa napili.
Pero dahil parehong positibo ang pag-iisip nina Vice at Coco, reverse ang naging pananaw at pagtanggap nila sa pagkawala sa listahan ng pelikula nila sa darating na MMFF.
Kasi naman, ang pangako ni Coco kina Onyok at Awra na magkakaroon sila ng movie at pang-festival pa ay matutupad na sana.
“Excited nga ang dalawa sa parada ng mga artista,” sabi ni Coco.
Pero dahil hindi napili ang kanilang pelikula sa walong maglalaban-laban sa takilya ngayon Kapaskuhan (December 25), aminado ang aktor na nalungkot siya.
“Siyempre, bukod sa effort namin na gawin ang movie at matapos kaagad, nalungkot ako kina Onyok at Awra dahil yong pangarap nila na film festival entry ay hindi maisasakatuparan. Nakalulungkot dahil gusto nila sumakay sa float na nakasanayan na nating mga taga-showbiz kapag may MMFF entry ka,” sabi ni Coco.
Blessing in disguise na rin siguro na hindi nakasama ang pelikula, dahil mas may free will ang theater owners na mabigyan sila ng mas maraming sinehan na paglabasan ng “The Super Parental Guardians” as long as hit ito sa takilya.
Sa festival kasi, limited lang ang sinehan ang lalabasan ng pelikula mo (kahit box-office ka na sa unang araw) para mapagbigyan ang mga pelikulang mahihina sa takilya at nilalangaw, na para sa mga theater owners ay lugi sa negosyo ang ganitong patakaran sa festival.
“Pero tapos na ‘yun. Basta kami nina Vice, Onyok, at Awra, happy sa maagang Pamasko namin sa fans at supporters namin, at ang pelikula namin, mas maaga nilang mapanonood,” sabi ng aktor.
Ilang tulog na lang at November 30 na, at mapanonood nationwide ang “The Super Parental Guardians”. Kitakitz sa mga sinehan.
Reyted K
By RK VillaCorta