INAMIN ni Coco Martin ang balitang paghikayat na siya’y tumakbo bilang susunod na pangulo ng Actors Guild of the Philippines o Kapisanan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT).
Marami kasi ang nakapapansin na malaki ang malasakit ni Coco sa industriyang kanyang ginagalawan, most especially sa mga walang trabahong artista, ganu’n din sa buong produksyon.
Aniya, “Actually, oo, may mga kasamahan tayo sa industriya na siguro nakikita nila, napupusuan nila na tumakbo ako bilang presidente ng actors’ guild.”
Ngunit ayon sa mahusay na actor, hindi pa raw siya handa para sa naturang posisyon.
“Ang sinasabi ko, natatakot ako, baka hindi pa po ako handa. Kasi kilala ko ang sarili ko, e. Hindi ko papasukin ang isang bagay kung wala naman akong magagawa.
“Kasi sabi ko, siguro ‘pag alam kong reading-ready na ako, ‘pag alam ko na malaki ang maitutulong ko o mapagbabago ko, pupuntahan ko iyan. Pero ngayon po, ang sabi ko, ang hangarin ko po, gusto ko ay dahan-dahang makatulong sa mga kasamahan natin dito,” sey niya.
Hanggang saan ba ang pagtulong ng isang Coco Martin para mabigyan ng walang trabaho ang mga dating artista, ang mga kasalukuyang artista, ganu’n ang mga maliliit na tao sa produksyon?
Sabi ni Coco, “Ako kasi, hangga’t kaya kong tumulong, tutulong po tayo. Gusto ko kasing i-share ang mga blessing na meron po tayo ngayon. Sana lang po, tulungan n’yo rin po ako sa lahat ng aking mga proyekto soon, na mas palalakihin pa natin, para marami po tayong matulungan sa industriyang ito.”
Sa True Lang
by Throy Catan