FIRST TIME kong makita at makausap nang personal (kahit sa isang open forum) si Rodel Nacianceno. Laking Novaliches siya. Simpleng bata na nangarap ng magandang buhay ayon sa mga kuwento tungkol sa kanya.
Mas nakaagaw siya ng pansin sa akin nang medyo maluha-luha siya sa kuwento ng kahirapan at mga pagsubok na napagdaanan niya sa buhay.
Ganu’n naman yata ang tao, napapaiyak at nalulungkot kapag nagbabalik-tanaw sa mga napagdaanan natin na sa kabila ng kahirapan at malas sa buhay ay nairaos natin. Naitawaid natin para umabot tayo kung ano man ng kinatatayuan natin o estado ngayon.
Pinanday si Rodel ng kahirapan na gustong makatulong sa kanyang pamilya. Kaya nga ‘yong karanasan niya sa simula, malaking bagay ‘yun para magpatibay sa kanya.
Suwerte nga marahil na matatawag o milagro ng Poong Nazareno ng Quiapo ang nagbigay sa kanyang ng magandang buhay sa kabila ng sali-saliwang kahirapan na dinanas.
“Mula ng mahawakan ko ‘yong Poong Nazareno noong Pista, naging maayos na ang buhay ko. Gumaan,” pagmamalaki niya.
Sa Canada, kung anu-ano ang ginawa ni Rodel para mairaos ang maghapon. Naririyan na maging gasoline boy siya at mamudmod ng mga flyers sa mall sa barya-baryang kinikitang Canadian Dollars para maitawid ang sarili.
May nagkuwento nga sa amin kung gaano kahirap ang naging buhay niya sa Canada. Natutulog na lang sa ibabaw ng mesa dahil walang bahay na matirhan.
Walang nakapagsabi na si Rodel na nag-TNT sa Canada, si Rodel na pinasok ang seksing indie movies noon ay may maayos nang buhay ngayon. Kapag mabait ka naman at masipag, pagpapalain ka ng nasa Itaas. Susuwertehin ka lalo pa’t mapagmahal kang anak sa mga magulang mo.
Sa katunayan, sa ipinatatayo niyang bahay sa may bandang Fairview, isang medyo may kalakihang compound kung saan gusto niyang makasama ang mga pamilya niya’t mga kapatid. Bawat isa sa mga kapatid, ipinagpatayo niya ng bahay na katabi ng bahay niya. “Halos patapos na rin. Mga 90 percent na ang nagawa. Landscaping na lang ang kulang,” kuwento ni Rodel.
Mabait na anak si Rodel. Ang tatay niya na hiwalay sa nanay niya ay binigyan niya ng pampasaherong jeep na bumibiyahe ng Novaliches-Blumentritt. Kumikita raw ito ng tatlong daang piso sa araw-araw. “Simple lang kaming pamilya. Walang nagbago sa buhay namin,” kuwento niya.
Kahit maalwan na ang buhay niya dahil sa sipag at suwerteng dumating , hindi niya sinasanay ang mga mahal niya sa buhay sa magara at mataas na pamumuhay. Kaya nga kapag may pagkakataon at hindi siya abala sa trabaho, mas gusto niya na nasa bahay lang siya.
Laking lola mula sa pagkabata. Gusto niya ‘yong masarap na lutong kare-kare ng lola niya. “Okey na sa akin ‘yun na once a week may handa siyang kare-kare,” pagmamalaki ni Rodel.
Si Rodel Nacianceno ay si Juan dela Cruz na idol ng mga bata dahil sa magandang pag-uugali nito. Si Rodel ay si Coco Martin na huwarang anak. Idol siya ng mga bata na tagasubaybay niya sa teleseryeng Juan dela Cruz na malapit nang magtapos.
Si Rodel tulad ni Juan ay mabait at masunurin. Si Rodel tulad ni Juan na nangarap na matagpuan niya ang ama (ang haring aswang na si Albert Martinez) ay naisakatuparan dahil hiniling niya ito sa Itaas.
Tulad ni Santino sa teleseryeng May Bukas Pa noon; tinutularan ng mga bata ang Kuya Juan nila.
Parang kailan lang, malayu-layo na rin ang inilakbay ni Rodel para maging isang Coco Martin ng showbiz. Sa dami ng hirap na pinagdaan niya, ang pangarap niya na makaahon na sinamahan ng pagsusumikap at dasal ay ngayon naisasakatuparan.
Masaya kami sa mga taong nagngangarap. Mas lalo kami masaya kapag ang pangarap nila ay sinasamahan nila ng tiyaga at sipag. Tulad ni Rodel na ngayon ay kilala bilang si Coco Martin, masaya kami sa mga kuwento niya.
Mas naiintindihan ko ngayon kung bakit teary eyed siya noong napag-usapan ang mga karanasan niya.
Mas naiintindihan ko ngayon kung bakit ganu’n na lang ang pagtanaw niya ng malaking utang na loob sa mga taong nakatulong sa kanya. Mas naiintindihan ko at naa-appreciate ang isang Coco Martin matapos ang isang gabi na ipinakilala niya kung sino si Rodel Nacianceno sa buhay niya.
Reyted K
By RK VillaCorta