NANG DAHIL SA Tayong Dalawa, nakilala ang galing sa pag-arte ni Coco Martin. Hindi siya nagpahuli kina Jake Cuenca at Gerald Anderson sa mabibigat nilang eksena sa nasabing soap. Lutang na lutang ang character na kanyang ginagampanan na lalong ikinasikat ng binatang ama.
Naging kontrobersiyal ang indie film niyang Serbis na dinirek ni Brillante Mendoza. Naging entry rin ito sa Cannes Film Festival last year. Ikinagulat namin ang pagpapakita ni Coco ng kanyang private part habang nakikipagtalik sa isang baguhang artistang babae sa nasabing pelikula. Palibhasa may karapatan at may ipakikita kaya wala siyang kiyemeng maghubo’t hubad sa harap ng kamera para maging makatotohanan ang eksena. Hindi daw alam ni Noel Ferrer (dating manager ni Coco Martin) na may frontal scene ang kanyang alaga. Nagkaroon pa nga raw ng pagtatalo ang dalawa na naayos naman agad.
Normal na kay Coco ang ganitong eksena, hindi na nga natin mabilang ang mga gay films na kanyang nilabasan. Biggest break niya ang Masahistani Direk Dante at ngayon nga ang Kinatay (Butchered). Nanalong Best Director si Brillante sa Cannes Film Festival sa France sa pelikulang ito. Dahil sa indie films, nakilala ang actor, hindi lang dito sa atin, kundi maging sa ibang bansa.
Ngayong nasa mainstream na si Coco, hindi maiiwasang intrigahin ang aktor. Hindi puwedeng hindi mapag-usapan ang tungkol sa kanila ni Katherine Luna na naanakan niya. Inamin niyang naging sentro sila ng kontrobersiya noon kaya naging mailap siya sa movie press. As much as possible, ayaw na nga niyang mapag-usapan pa ang kanyang private life. May kanya-kanya na silang buhay na tinatahak .
Naka-focus ngayon sa trabaho si Coco kaya wala munang lovelife. Sumasagi pa rin sa isipan niya ang kanyang anak kay Katherine. Hanggang ngayon, hindi pa rin nagkikita ang mag-ama. Four years old na ang bata, gusto niyang mayakap at makausap man lang ito. Alam niyang marami siyang pagkukulang bilang ama.
Tuluyan na nga bang pinabayaan ni Coco ang anak? “Mahirap magsalita, alam kong may mga pagkakamali ako at pagkukulang bilang ama. Gusto kong ayusin ang mga bagay-bagay tungkol sa anak ko. Sana dumating ‘yung time na makapag-usap kami ni Katherine. May pamilya na rin siya, gusto kong makita at mayakap ang anak ko. Alam kong darating din ‘yung time na makapag-uusap din kami, maaayos din ang lahat. “’Yung kami lang, walang media, ayaw kong mangyari ‘yung nangyari noon,” pakiusap ng aktor.
Inamin ni Coco na na-trauma siya sa nangyaring kontrobersiya sa kanila ni Katherine. Ayaw na niyang maulit ito. Kung magkakaayos man sila, bilang magkaibigan na lang para sa kapakanan ng kanilang anak. Kaya naman work to death ngayon ang aktor para makaipon at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang anak.
Katatapos lang gawin ni Coco ang Biyaheng Lupa, na directorial debut ng premyadong scriptwriter na si Armando Lao. Kasalukuyan naman niyang ginagawa ang action-adventure na Agimat sa Kapamilya network. Sa obserbasyon namin, lalong naging maganda ang takbo ng showbiz career ni Coco mula nang hawakan siya ni Biboy Arboleda, nagkasunud-sunod agad ang TV projects niya sa Dos.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield