SA PAGLANTAD NI Katherine Luna sa pagpapainterbyu niya sa programa ni Tita Cristy noong Linggo, Mother’s Day, hindi naiwasang ang maging sentro ng usapan eh, ang mga bagay na may kinalaman sa nakaraan nila ni Coco Martin. At ang mga tanong na inilahad eh, may kinalaman sa sinasabing anak niya sa mahusay na aktor.
Kasunod nito ang paglabas ng mahabang interbyu ni Katherine sa isang babasahin ng ABS-CBN Publishing na nagpahayag naman ng mga nangyayari ngayon sa buhay niya, at ang pagsalag niya sa mga balitang nagsasayaw na lang siya diumano sa isang bar sa Novaliches, na nagiging isang lasenggera na lang siya at ang hindi magandang imaheng iba-iba na ang kanyang nagiging karelasyon sa puntong ito.
Nagkakaroon ngayon ng kaguluhan dahil sa nasabing paglantad ni Katherine, dahil na rin sa mga nabitawan nitong salita sa nananahimik na kakatanghal lang bilang Best Actor (for his role in Kinatay) sa Golden Screen Awards.
Dahil sa mga nangyari, nakarating sa amin ang balitang ang manager ni Coco ngayon na si Biboy Arboleda ang galit na galit at itinatanong kung ano ang naging kasalanan ni Coco para ito masentro sa mga usapang sinisimulan daw ni Katherine para patuloy na siraan ang aktor?
Ang salag ng mga kumapanayam kay Katherine, sa print man o sa TV eh, ang paglalahad lang ng mga tinuran nito sa kanyang interbyu at ginawa lang ang kanilang trabaho.
Ang salag naman ng manager ni Coco, para ano at para saan? Ang punto naman niya, may lalabas na pelikula si Coco in two weeks, may mga endorsements siya ng aktor na inaasikaso. Kung sakaling maapektuhan naman daw ang mga ito sa pagdaldal ng Katherine na ito na kung saan kinalkal, sino raw ang sisisihin niya? Ang tanong niya eh, kung mapapanagutan daw ba ito ng sinuman sa kanila kung maging negatibo nga ng resulta?
Who’s at fault? Who’s to blame?
LUNES NG TANGHALI, isang frantic na text ng tumatakbo bilang Bise-Alkalde ng Makati (na ka-team ng tumatakbong Mayor na si Atty. Erwin Genuino) na si Jobelle Salvador, ang aking tinanggap.
Na ini-report namin sa mga katotong nagpa-patrol sa iba’t bang polling places nu’ng araw ng halalan.
‘Eto ang text ni Jobelle: “Saklolo! Nagha-harass si Mayor Binay w/ Rene Saguisag sa mga schools in Makati. Pinalalabas lahat ng naka-pula at pinahu-hubad. Mapa-lalaki o babae, hindi pinaboboto. Pati PCOS machines, sira raw kaya pinaalis ang mga tao. HELP!”
May kasunod pa ito: “Lahat ng present (sic) pinuntahan ni Binay pinalabas lahat ng tao. Nag-uumpisa na sila sa District 2. Pls! Saklolo lang maraming di nakakaboto. Pinipili lang nila. Pag alam nilang kalaban pinapa-alis nila. Lalo na mga senior citizen at youth. Kayang-kaya nilang takutin.”
Naipahatid namin ang reklamo ni Jobelle sa mga kinauukulan para imbestighanan at aksyunan.
And as the day went on-nakita na ng sambayanan ang direksyon ng pinupuntahan ni Mayor Jejomar Binay sa halalang ito.
Kung naka-puwesto ba si Jobelle sa tinalkbuhan niyang posisyon eh, hindi pa kumpirmado as of this writing.
Who’s at fault? Who’s to blame?
The Pillar
by Pilar Mateo