LUNES NANG GABI, kaliwa’t kanang tawag at text message ang tinanggap namin, ang dahilan—si Coco Martin.
Walang halong eksaherasyon, pero nagmumura ang lahat ng mga nakausap namin, napapamura dahil sa galing sa pagganap ng aktor na nagniningning ang pangalan ngayon dahil sa kanyang kapasidad at hindi dahil sa kanyang popularidad.
Nakatutok ang publiko sa ilang huling gabi pa ng Tayong Dalawa, ang tele-seryeng nagbigay lagnat sa buong bayan, ginagampanan ni Coco Martin ang papel ni Ramon na kapatid nina Gerald Anderson at Jake Cuenca na malapit na malapit sa kanyang lola ng ginagampanan naman ng hayup din sa pagganap na si Gina Pareño.
Sabi ng isang tumawag sa amin nu’ng Lunes nang gabi, “Hayup si Coco Martin! Nakakadala ang eksena nila ni Lola Gets (Gina Pareño)! Grabe ang galing ni Coco, naghahalo-halo ang luha, sipon at laway niya sa pag-iyak!
“Saan ba nanggaling ang batang ‘yan? Bakit ngayon lang siya nabigyan ng chance? Napakagaling na niya, guwapo pa!” komento ng isang dating kaklase namin sa kolehiyo na naadik na sa Tayong Dalawa nang dahil kay Coco Martin.
Komento naman ng isang propesor na matagal nang humahanga kay Coco, “Nakita mo ‘yun? Nakita mo ‘yung eksenang palabas na siya sa pintuan, pero bumalik pa uli siya para yakapin si Gina? Hayup ang batang ito, napakagaling!” papuri ng aming kaibigan.
Isang text message naman ang nagsabi ng ganito, “Pakisabi sa Dos, bigyan pa ng maraming projects si Coco Martin, napakagaling niyang umarte, ang ganyang klase ng mga aktor ang dapat nilang binibigyan ng magagandang roles at hindi ‘yung mga basta guwapo lang!
“Ang galing-galing niya, matutulala ka na lang habang umaarte siya, wala siyang pakialam kung ano ang itsura niya sa mga breakdown scenes niya!” kabuuang nilalaman ng text message ng aming kaibigan.
by Cristy Fermin