SINUSULAT ITO’Y hindi pa namin napapanood ang 24/7 In Love, pero halos lahat ng nakakausap namin, in fairness, super sulit daw ang kanilang ibinayad. Super enjoy sila, kaya sa Monday na lang namin panoorin ng mga anak ko. Kasi naman, nitong weekend, OA ng taon ang pila sa mga sinehan.
Parang magugunaw na ang mundo bukas, kaya wagas ang pila sa mga sinehan. Hahahaha!
But that’s a good sign, ha? Talagang sumigla na uli ang movie industry.
At ‘pag napanood namin, hayaan n’yo at isusulat namin kung type namin ang movie.
TRAILER PA lang, parang naapektuhan na kami, huh! Ganyan ang dating ng One More Try. Ipinapanood lang ng Adprom head ng Star Cinema ang teaser ng pelikulang ito ay parang gusto na agad naming tumakbo ng sinehan para panoorin ito. ‘Yun pala, sa Pasko pa ito ipalalabas. Filmfest entry ng Star Cinema.
Baka mag-best actor uli rito si Dingdong Dantes, dahil bongga ang kanyang role dito. Nagkaanak sila ni Angel Locsin, pero ‘yung anak nila ay kailangan ng bone marrow transplant. Ang kaso, nag-iisa lang ito at walang kapatid. Kaya nakiusap kay Angelica Panganiban si Angel na baka puwedeng mahiram ang boyfriend nitong si Dingdong para magkaanak uli sila at mabuhay ang love child nila.
Nakakalokah, ‘di ba?
Paano kaya ‘yon? Napapayag ang girlfriend na si Angelica na ipahiram ang boyfriend niya sa ex-girlfriend (Angel) ng boyfriend niya?
Eh, pa’no naman si Zanjoe Marudo na boyfriend na minahal si Angel kahit may anak na ito ke Dingdong?
Wow! Ang salimuot naman nito! Nalokah kami.
Actually, after watching the trailer, I found myself teary-eyed.
Wow! Kung maka-i found myself naman ‘tong si Ogie Diaz, hahahaha!
Basta panoorin na lang ninyo sa Dec. 25. Baka idayalog n’yo rin ‘yang “I found myself!”
SA MGA nagtatanong kung anong susunod na gagawin ni Coco Martin after the phenomenal success ng Walang Hanggan, ang alam namin, isang fantaserye kung saan superhero ang kanyang role kasama si Zsa Zsa Padilla.
Right move ‘yon. Kasi, kung drama na naman ang serye niya, baka maikumpara sa Walang Hanggan, kaya mainam na mag-fantaserye tapos drama uli. Pero as of now, tinatapos ni Coco ang isang movie opposite Julia Montes na kinunan pa sa Amstermdam sa direksiyon ng gumawa rin ng Sta. Nina, si Direk Manny Palo.
Si Paulo Avelino naman, we heard lang din na nakatakdang gumawa ng teleserye, ang balik-tambalan nila ni Julia Montes. Tapos na ring gawin ni Paulo ang Shake, Rattle & Roll na Filmfest entry ng Regal Entertainment.
Ah, kami? Kung ano’ng naka-line up sa amin after Walang Hanggan? Ayun, hanggang wala, nganga.
But knowing ABS-CBN. Never naman kaming pinabayaan ng number one network ever since. And besides, kinontrata na rin kami ng ABS-CBN para gumawa ng teleserye at ito ngang Showbiz Inside Report. Kaya thankful na rin kami.
Right now, marami kaming panahon para sa aming four daughters, kaya hindi naman kami naiinip habang isinasabay na rin namin ang pagtitipid habang wala pang ginagawa.
Oh My G!
by Ogie Diaz