KAYSA MAGKA–TELESERYE mas gustong gumawa ng maraming pelikula ngayong taon ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor, ayon kay Albert Sunga, isa sa mga malalapit sa Superstar. Tsika pa ni Albert, wish nga raw ng mga Noranian na sa pelikulang gagawin ni Ate Guy sa Regal Films ay makatambal nito ang isa pang award-winning actor na si Coco Martin.
Pero hiling nga ng mga Noranian na sana raw ay pang-Mother’s Day next year ang pelikulang gagawin ni Ate Guy para pang-Mother’s Day presentation, at sana si Coco Martin ang makasama niya.
“Balita kasi namin na Regal Baby na rin si Coco, so puwede na silang magsama ni Ate Guy sa movie, sana matuloy. ‘Di ba magandang idea na pagsamahin sina Ate Guy at Coco, dahil pareho silang magaling umarte.”
Kumusta naman ang mga TV projects ni Ate Guy sa TV5?
“Ang alam ko, may niluluto na ang TV5 na bagong proyekto kay Ate Guy, pero hindi pa ako sure kung ano ‘yun. Pero for sure, meron ‘yun. Kaya lang, mas gusto talaga ni Ate Guy na mag-concentrate sa paggawa ng pelikula kaysa mag-teleserye.”
How about album? May plano ba si Ate Guy na mag-release ng album this year?
“Sa ngayon kasi, hindi pa napag-uusapan ‘yun, pero if ever na puwede na, bakit naman hindi. Kasi ‘yun naman talaga ang first love ni ate Guy ang kumanta, kaya ‘di rin malabong gumawa ito ng bagong album,” pagtatapos ni Albert.
KAABANG-ABANG ANG kauna-unahang Asia Pacific Tango Festival Manila 2012 via Tango Dream in Manila na gaganapin sa Meralco Theatre sa April 25 with Regine Tolentino, Staki Dulah, Vangie Labalan, D.Y. Ylagan, Tango Dream Cast at Ely Damasin na siya ring director at producer ng nabanggit na show.
Bukod sa nasabing fabulous show, magkakaroon din ng tagisan sa galing sa pagsayaw ng Tango via Asia-Pacific Tango Open (Championship Competition) na gaganapin sa April 23 sa Makati Sports Club, kung saan maglalaban-laban ang mga Delegado mula sa iba’t ibang bansa sa Asia.
Magiging espesyal na panauhin din sa nasabing competition ang mga champions ng Argentinian Tango na sina Laila Y Leandro Oliver, Hiroshi Yamao Y Kyoko at Fernanda Gi Y Guillermo Merlo.
Layunin daw ni Ely na palaganapin sa bansa ang sayaw na Argentinian Tango at iba pang ballroom dancing at klase ng sayaw at ang maging Capital of Dance sa Asia ang Pilipinas.
BOUND TO Thailand ang tween star na si Teejay Marquez para mag-shoot ng kanyang bagong TV commercial ngayong Friday April 13, 2012, kung saan three days itong mananatili roon para magtrabaho.
Pero ayon sa young actor, bukod sa trabaho, magsisilbing bakasyon na rin daw niya ito na balak maglibut-libot sa ilang magagandang lugar sa Thailand. Dahil after daw ng kanyang trip sa Thailand, sisimulan naman nito ang isang indie film, kung saan makakasama niya ang ilan sa mga young stars ng GMA-7. Bukod pa sa isang indie film na nakatakda nitong gawin ngayong taon na kanyang pagbibidahan na may local at international release, Kung saan inaayos na lang ang availability ng mga kasamang artista para magsimula na ang paggiling ng camera ng nasabing pelikula.
John’s Point
by John Fontanilla