KAHIT PUYAT at halos walang tulog si Coco Martin, super enjoy siya habang ginagawa nila ni Toni Gonzaga ang romantic comedy film na You’re My Boss na isinulat at dinirek ni Antoinette Jadaone under Star Cinema. Almost every day ang shooting nila dahil showing na on April 4.
Sabi nga ni Coco, “First time ako sa ganitong role. Ang sarap ng pakiramdam. Nabigyan ako ng chance na makatrabaho si Toni at si Direk Antonette. Isa ito sa pinakamagaan na pelikulang nagawa ko.”
Dugtong naman ni Toni, “Hindi kami napi-pressure, hinahayaan kami ni Direk na gawin ang gusto namin sa eksena. It’s another experience working with Direk Antonette. Sa set walang nagrereklamo kahit almost every day ang shooting. Lahat masaya kahit puyat kami sa set.”
First time makatrabaho ni Coco sina Toni at Direk Antonette, madali naman siyang nakapag-adjust sa mga ito. Marami raw siyang natutunan sa dalawa. “Sobrang hirap ko rito sa pelikula, nakaka-4 to 5 takes ako. Bago kasi ako sa ganitong genre. Kahit nahirapan ako, maganda naman ang kinalabasan, kaya happy ako,” wika niya.
Palibhasa parehong professional sina Toni at Coco, hindi nahirapan si Direk Antonette sa gusto niyang mangyari sa bawat eksena ng dalawa. “‘Yung timing nakukuha nila. Sobrang perfect ang kanilang timing. Si Toni, may pagka-perfectionist. Sobrang happy ako dahil napaka-cooperative sila, kahit tuluy-tuloy ang shooting namin.”
Mataas ang expectation ngayon ng Star Cinema kay Direk Antonette dahil naging box-office hit ang huli niyang pelikulang That Thing Called Tadhana. Say ni Direk, “More than pressure… I’m grateful dahil binigyan nila ako ng chance maidirek sina Toni at Coco. Happy naman ako sa mga nakunan naming eksena. Natural ang chemistry nila, may comedy si Coco, hindi palang niya nailalabas ‘yun.”
Maging kay Toni, mataas ang expectation sa kanya dahil puro box-office hit ang kanyang mga pelikula. Super blockbuster ang Starting Over Again with Piolo Pascual na kumita ng almost P500 million, both domestic and international. “Eversince na nag-first shooting kami, hindi bumababa. Expect for the best, hope for the best. Lalabas kayo sa sinehan na nakangiti. Naniniwala ako, the project, perfect timing talaga si Direk Tonet,” turan ni Toni.
Hindi naging madali para kay Direk Antonette gawan ng material sina Toni at Coco. “Big challenge is the romcom (romantic comedy), iba si Toni, iba si Coco sa mga character na ginawa nila.” Singit naman ni Toni, “Si Direk is very organic, what you see is what you get.”
Idea pala ni Toni ang project at si Coco ang gusto niyang maging leading man. Maging ang actor, inamin niyang pinangarap ding makatrabaho ang Ultimate Multi-Media Star. Nang i-offer sa kanya ang movie project at si Toni ang kapareha, tinanggap agad niya nito. “Inaalalayan ako ni Toni sa mga eksena namin, gina-guide niya ako same with Direk. May mga English words akong linya, hindi ako marunong mag-English. Binubulong ni Toni sa likod ko, nagko-coach siya sa akin,” natatawang kuwento ni Coco.
Pakiramdam ni Coco, nu’ng bago palang sila mag-shooting, hindi siya dapat magkamali kapag kaeksena na niya si Toni. Malaki kasi ang paghanga at respeto niya rito as singer-actress-TV host. “Timing, nahihiya ako kay Toni, hindi ako p’wedeng magkamali. ‘Pag nakikita ko si Toni, ang galing ng taong ito. Tititigan niya ako bilang tao. Ang tingin ko sa kanya, matalino siya. Sabi ko nga, bakit ngayon lang kami nagkasama sa pelikula? Alam naming magkakaroon kami ng chemistry, pagtratrabahuhan naming dalawa,” tugon pa ng Prince of Indie.
Naging vocal si Toni kung ano klaseng personality mayroon siya at si Coco. Naging super friends ang dalawa habang ginagawa nila ang pelikula. “Sa totoong buhay, masayahin akong tao. Pinalaki kami ng parents namin na hindi kami nagse-self pitty, huwag iiyak. Si Coco, titignan mo palang siya, may karga na agad sa mata. Best part working with him, another new working experience. Marami na ako nagawang romcom. Maraming beses kong kinakausap si Coco. Totoo lang siya, walang pretentions, masarap kausap. I can do it all over again with Coco, very cooperative,” pahayag ni Toni.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield