SABI NILA ang pinakamapayapang pagkakataon daw sa buhay mo ay ‘yung mga panahon na nasa isang sulok ka lang, kasama ang iyong binabasang libro. Sabi rin naman nila, ang pinakamalungkot na pagkakataon sa buhay mo ay ‘yung natapos mo nang basahin ang huling pahina ng paboritong libro mo.
Sabi rin nila, hindi makukumpleto ang araw mo kung hindi ito sinimulan sa paghigop ng kape. Sabi rin nila, hindi na sapat ang isang kape lang sa umaga dahil wala namang pinipiling oras ang pag-inom ng kape. Sabi rin nila, kapag pinagsama mo ang kape at libro, aba! Perfect combination na nga ito.
At sabi rin nila, ang best spots kung saan mai-enjoy mo ang coffee at books in one ay narito na sa Metro! Saan nga ba ang mga ito?
- Cool Beans Library Café
Siguro ang iba sa inyo, pamilyar na sa coffee shop na ito lalo na ang mga bagets na nakapanood na ng English Only, Please. Ito nga ay na-feature sa nasabing pelikula. Pero alam n’yo ba na ito ang pinakaunang eatery na nag-o-offer ng mga libreng librong babasahin habang ikaw ay nagkakape o kumakain dito?
Taong 2013 nang ito ay naitayo sa Maginhawa. Ang kanilang kape na sine-serve ay hindi basta-basta dahil exclusively homegrown Philippine highland coffee lang naman ang mga ito na nanggagaling sa probinsiya ng Sagada, Kalinga, at Benguet Roasts. Talaga nga namang dinadala ang Baguio experience sa Maginhawa!
Isa pang trivia! Alam n’yo ba na isa sa layunin ng may-ari ng library cafe ay mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng mahihirap na makapagbasa ng libro nang libre?
Ang mga libro nila sa kanilang library cafe ay hindi basta-basta dahil para ka bang nasa Filipiniana section ng isang library kapag ikaw ay nasa Cool Beans Library Cafe. Mga librong sinulat ni Nick Joaquin at ng iba pang kilalang mga panitik ang makikita mo rito. Mayroon din silang Filipino version book ng Hunger Games. O, ‘di ba! Saan ka pa? Mayroon din silang mga classic novels at literature na sinulat ni William Shakespeare, at ng marami pang iba.
- Anti-teasis: Books and Brews
Kung gusto mo ng very at home at very relax na stay sa isang library cafe, Anti-teasis na nga sa Maginhawa ang para sa inyo! Ang specialty nila rito ay mga tea dahil para sa owner nito, mas masarap pa ring ipares ang book at cup of tea.
Heaven daw ang experience na ito lalo na kung napaka-relaxing ng ambiance dito. Ito ‘yung tipong magtatanggal ka ng sapatos, uupo ka lang sa sahig, kukuha ng unan na masasandalan at magbabasa ng iyong paboritong libro kasabay ang paghigop sa mainit-init mong tsaa.
Mayroon silang dalawang nagtataasang shelves kung saan nakalagay ang mga libro na iyong puwedeng pagpilian. May board games din sila kaya bukod sa pagbabasa ng libro, ito rin ang ginagawang bonding ng magbabarkada sa Anti-teasis.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo