SA PAGLABAS NG kolum naming ito, siguradong nakapagbigay-pugay na sa pinakahuling pagkakataon sa kanyang namayapang idolo ang kaibigan naming si Jonjie Martinez na ilang dekada nang naninirahan sa North Hills, California.
Sa huli naming kuwentuhan, nabanggit nito sa amin na napakapalad nilang magkakaibigang nagtatrabaho sa UPS Garden dahil nabigyan sila ng ticket para masilip ang bangkay ni Michael Jackson sa Staples Center.
“Suwerte, ‘di ba, dahil milyon ang may gustong makakita kay Michael Jackson, pero nakakuha kami ng ticket,” sabi ng aming kaibigan.
Biglang naalala ni Jonjie si Cogie Domingo, loyalista ni Michael Jackson, kung nandu’n pa raw hanggang ngayon sa Amerika ang guwapong batang aktor, siguradong makakasama nila si Cogie sa pagpila sa Staples Center.
“’Yun pa? Fan na fan siya ni Michael Jackson! Kapag magkakasama nga kami, isinasayaw niya ang Bad, Beat It, Thriller at iba pang kanta ni MJ. Kung nandito pa si Cogs, siguradong kukulitin ako nu’n, makita lang niya ang bangkay ng idolo niya,” panghihinayang pa ni Jonjie.
‘Yun ang isang bahagi ng buhay ni Cogie Domingo na hindi nakikita ng publiko. Ewan kung ayaw lang niyang gawin o hindi lang ‘yun nadidiskubre ng mga taga-GMA-7, pero ang galing-galing sumayaw ni Cogie.
Puwede siyang lumaban nang sabayan sa Streetboys sa bilis ng kanyang mga paa sa pagsayaw, hindi parehong kaliwa ang mga paa ng guwapong young actor, ‘yun ang kailangang diskubrihin sa kanya ng mga taga-Siyete.
“Mula nu’ng elementary siya sa Benedictine Abbey hanggang nu’ng mag-middle school na siya sa Brent, palagi siyang kasali sa mga school programs nila.
“Ang nakakainis lang kay Cogie, ayaw niyang ipakita sa amin kung ano ang sasayawin niya. Talagang ayaw niya kahit anong pilit pa ang gawin mo sa kanya.
“Makikita mo na lang ‘yun sa mismong program, hahanga ka na lang sa galing niyang sumayaw sa program proper na, dahil nagkukulong siya sa bedroom niya kapag nagre-rehearse siya,” kuwento ni Mommy Zennie Domingo, ang dakilang ina ni Cogie.
PAGKATAPOS NANG KALAHATING taon, nagbalik na sa bansa si Cogie Domingo. Mahaba-habang panahon ang ipinamalagi niya sa Lancaster, huling county ng California bago ka pumasok ng Nevada, isang napapanahon at karapat-dapat na “bakasyon” ang kinailangan niyang gawin noon.
Napakaganda para sa binatang aktor ang paglayo sa Pilipinas, du’n siya namulat na napakarami pala niyang sinasayang na panahon, magaling siyang artista pero ang dami-dami niyang pinalalampas na oportunidad.
Gusto nga sana naming dalhin si Cogie sa palibot ng ABS-CBN kapag ginaganap ang audition para sa PBB at PDA, gusto naming ipakita nang harap-harapan sa kanya ang libu-libong kabataang Pilipinong nangakapila na nangangarap maging artista, pero iilan lang naman sa kanila ang nakapapasa-nakukuha sa audition.
Napakalaki ng bentahe ni Cogie kung tututuusin dahil nandiyan na siya, pakikipagkilala na lang sa salitang propersyonalismo ang kailangan niyang gawin, dahil magaling naman siyang umarte at sinungaling lang ang magsasabing hindi siya guwapo.
Maraming nanghihinayang sa puwestong kinalulugaran niya sa GMA-7 na hindi niya inalagaan, dapat sana’y isa na siya sa maiinit na young actors ngayon ng network, pero humulagpos pa ‘yun sa kanyang mga kamay.
Pero sabi nga ng mga nakatrabaho niyang direktor, laging may nakalaang lugar para sa mga artistang may bitbit na talento, hindi pa huli ang lahat para kay Cogie Domingo.
Kung ganu’n ang nararamdaman ng ibang tao para sa kanya, sana’y ganu’n din ang nararamdaman ni Cogie. Sana’y karirin niya na ang kanyang career.
Ang magandang oportunidad, kapag hindi inalagaan at binigyan ng pagpapahalaga ng biniyayaan ay nagtatampo, humahanap ng ibang taong nangangarap at nangangakong mag-iingat sa kapalarang nasambot niya.
Sana’y mulat din si Cogie Domingo sa ganu’ng senaryo.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin