ANG COLLATERAL damage ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Ang isang gamit sa terminong ito ay para ipaliwanag ang isang hindi maiiwasan na pinsala mula sa isang sistemang umiiral sa isang lipunan. Ipinagpapalagay sa lipunan na hindi maiiwasan ang ilang kapinsalaan na maaaring maging resulta ng mga pagsugal at pagsusog sa mga desisyong kinakailangang gawin para sa mas malaking kapakinabangan ng mas maraming tao sa lipunan.
Mahirap mang tanggapin ngunit tila ang kaso ng isang transgender na pinaghihinalaang pinatay ng sundalong Amerikano na kabahagi ng Visiting Forces Agreement (VFA), ay baka maituring lamang na isang uri ng collateral damage. Gaya rin lamang ng ibang mga kasong kinasangkutan ng mga Amerikanong sundalo nang mga nakaraang panahon na walang kinahinatnang tunay na hustisya at maaaring itinuring na lamang na collateral damage.
Ang artikulong ito ay tatalakay sa isyu ng mga kawalang-hustisyang dinanas ng mga Pilipino sa ilalim ng dating pananatili ng mga base militar ng U.S. at ang kasalukuyang VFA. Paano nga ba tayo nadedehado sa usaping VFA? Ano ba ang mga pakinabang natin sa VFA kung mayroon man? Paano naaapektuhan nito ang buhay ng ating mga kababayan? Sisikapin nating hanapan ng kasagutan ang mga katanungang ito.
KUNG NAPANOOD ninyo ang lumang pelikula ng aktres na si Nora Aunor na may pamagat na “Minsan May Isang Gamu-gamo”, malamang ay nahabag kayo sa sinapit ng batang kapatid ng bidang babae na binaril ng isang guwardiyang Amerikano, na animo’y isang mabangis na baboy-ramo lamang. Ang ibinigay na palusot ng sundalong ito ay inakala raw nitong isang baboy-ramo lamang ang binaril nito at hindi isang bata.
Maraming mga ganitong kaso ng kalupitan noon ang nangyari sa mga kababayan natin at magpahanggang ngayon ay dinaranas pa rin natin ang ganitong kalupitan. Wala tayong katarungan na nahihita at tila nilulunok lamang natin ang pait ng kapalarang ito. Maging ang ating pamahalaan ay walang magawa para maipagtanggol ang ating kaapihan.
Ito rin ang sinasalamin ng mga probisyon sa VFA patungkol sa karapatan at kapangyarihan ng U.S.A. na maaaring panatilihin sa kanilang kustodiya at pangangalaga ang sinumang akusado at nasasangkot sa isang krimen na nagawa ng kanilang sundalo dito sa Pilipinas. Wala tayong magawa kundi sumunod sa kanilang nanaisin bilang isang bansang katuwang natin sa VFA. Hindi ba maliwanag na dehadong-dehado tayo sa ganitong kasunduan?
KUNG ANG mga kaso, gaya ng rape case sa isang tinawag sa pangalang “Nicole” laban sa Amerikanong sundalong si “Smith” at ang kaso ngayon ng pinatay na transgender, ay ituturing na collateral damage lamang ng VFA ay tunay na nakalulungkot ang reyalisasyon na ito. Hindi siguro kailan man matatanggap ng ating lipunan na ang mga buhay na nasayang at hindi binigyan ng dignidad ay ipagpapalagay na lamang na collateral damage ng VFA.
Kailangan ba na magsakripisyo ang kababayan natin sa isang kawalang hustisya at kaapihang kanilang dinaranas para lamang sa ikapagtatagumpay ng VFA? Hindi ba dapat na pangunahing pinahahalagahan ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipino, lalung-lalo na ang pagpapatupad ng patas na hustisya? Kapayapaan at hustisya ang gusto nating makamit sa VFA kaya hindi dapat ito taliwas sa kapakanan ng bawat isang Pilipino gaya ni Jennifer, ang transgender na pinatay.
Ilan pa bang gaya ni Jennifer ang kailangang hamakin ang pagkatao at patayin? Hangga’t hindi malinaw at patas ang mga probisyon sa VFA, hindi dapat ito magpatuloy bilang isang tratado na namamagitan sa dalawang bansang gaya natin at ng Amerika. Marami pa ang mapapahamak at mga pamilyang mawawasak dahil dito.
ANG VFA ay mahalaga sa atin lalo na ngayong sinusubukan at hinahamon ng bansang China ang ating kakayahang militar. Subalit, hindi rin tama na pumikit at magbulag-bulagan tayo sa mga isyung humahamak sa ating lahi at pagka-Pilipino. Kung wala tayong gagawin ay mas masahol pa ito sa pang-aaapi ng isang mananakop na bansa.
Napapanahon na para siyasatin ng Kongreso ang isyung ito at gumawa ng isang hakbang para matigil na ang lahat ng kaapihang ito. Nararapat sigurong gumawa rin ng hakbang ang ating pamahalaan para makatiyak na hindi makaaalis ng bansa ang akusado sa kaso ni Jennifer at mahingi ang kustodiya sa pinaghihinalaang salarin.
Naniniwala ako na maaari nating igiit ang ating patas na karapatan sa VFA. Tatandaan natin na hindi lamang tayo ang may pangangailangan sa VFA. Maging ang Amerika ay may pangangailangan din sa atin sa kanilang pananatili sa ating bansa at karagatan. Kailangan nila tayo sa napakaraming dahilan kaya’t patas lamang na humingi tayong ng pantay na karapatan sa VFA.
HINDI NATIN dapat hayaan na tayo ay maapi. Dapat tayong maging matalino at ipadama natin sa kanila na kaya nating maging matatag at mag-isa. Tutukan natin ang isyu na ito at kung kinakailangan ay sumama tayo sa mga protesta na nagtutulak para sa ating pantay na karapatan.
Ang bawat buhay ay mahalaga at kasing halaga nito ang prinsipyong ating pinaniniwalaan at binibigyang-bigat sa pagpasok natin sa VFA!
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggang sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7- WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo