KASABAY SA muling pagkabuhay ni Kristo, hindi lamang umusbong, kundi talagang namayagpag ang collection ng tinaguriang tatlong itlog na nagpapakilalang mga collector ng Department of Interior and Local Governments o DILG.
Sina Gerry Salastiano, Vher Navarro at Niño Baboy ay walang humpay sa kaiikot sa lahat ng iligalista sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan para kumolekta ng lingguhang tarya. Ayon sa tatlo, para sa DILG ang kanilang kinukolekta.
Sandali lang, parekoy. ‘Di ba si Sec. Jesse Robredo ang pinakamataas na pinuno ng DILG? Ibig bang sabihin ng tatlong ito, para kay Sec. Robredo ang kanilang kinukolekta?
Aba eh, dapat sigurong linawin ito ng nasabing kalihim. Dahil kung hindi totoong sa kanya napupunta ang collection nina Salastiano, Navarro at Baboy, ay dapat niyang paimbestigahan agad ang tatlong ito bago pa “lumutin” ang kanyang pangalan!
Pero kung sakali ngang mga collector sila ng DILG, aba’y dapat alamin ni Robredo kung magkano talaga ang weekly collection para hindi naman siya malugi! Ehek!!!
USO NA naman sa Maynila ang salvaging o “tumbahan”.
Kaya nga naaalarma na ang Commission on Human Rights o CHR dito sa sunud-sunod na patayan sa mga preso o detenido sa Manila Police District.
Ang pinakahuli nga sa nasabing insidente ay ang pagkamatay ni Angelito Aviles, isang holdaper umano sa Quiapo at miyembro ng Batang City Jail (BCJ).
Sa nakalipas lamang na mga linggo ay iisa ang pangyayaring naganap, ayon sa bersyon ng pulis.
Ang mga presong ito, habang nasa kustodiya ay inagaw ang baril ng pulis, kaya…. Bang, bang, bang! Tigbak si preso na nang-agaw raw ng boga ng parak!
Ang ipinagtataka lang natin, parekoy, sa kabila ng pangyayari na iisa ang uri ng pinag-ugatan, bakit kaya hindi ginawa ng mga pulis na patalikod kung iposas ang kanilang preso? Dahil ba wala na silang maikakatuwiran?
Paano pa nga naman “kuno” makapang-aagaw ng baril kung patalikod na naka-posas?
Sa mahihilig sa katuwiran ni Moises na “ngipin sa ngipin at mata sa mata”, okey lang daw ang salvaging para magsilbing aral sa ibang masasamang-loob.
Huummm, paano kung hindi naman talaga sila ang salarin? O kaya naman, paano kung kaya pinagpapatay ang mga ito ay dahil para hindi na nila maikanta kung sinuman ang pulis na kanilang amo?
Higit sa lahat, sa nasabing pangyayari ay muli na namang naikikintal sa mga taga-Maynila lalo na sa slum areas na muli na namang pumipilantik ang mga litid ni Dirty Harry!
Siyempre pa, parekoy, kapag over na ang takot mo kay Mayor Lim, maglalakas-loob ka pa kaya na maging lider sa kanyang kalaban sa 2013?
Siyempre hindi ahh, ano bali?
Go, mayor, go… L.I.M. (Lambatin at Ipa-salvage ang Masasama!!!)
Hak, hak, hak. P’we!!!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303