Colorado

ANG UNA at huli kong biyahe sa Colorado, U.S. ay nu’ng 2006. Mula sa Houston, halos 12 oras kaming nag-drive patungong Colorado para mag-overnight sa Grand Canyon, isa sa mga 7 wonders of the world.

Nakapipigil-hininga ang lugar ng Grand Canyon. Bundok, burol at parang ng granite stones na maabot ng tanaw mo. Obra maestra ng kalikasan. ‘Di magaya ng mortal na kamay. Para bang dito pinamalas ng lumikha ng langit at lupa ang kanyang ‘di masasalitang grandeur at kapangyarihan. Sa ilalam ng mga bituin nu’ng tag-araw na iyon, ‘di halos kami natulog at binusog ang mata at puso ng nakapipigil-hiningang tanawin.

Nu’ng isang linggo, dalawang karumal-dumal na pangyayari sa Aurora, Colorado ang sumakmal sa mundo. Una rito ang senseless at brutal murder ng 12 nanonood ng preview ng Batman movie sa isang amphitheater. Mahigit pang dalawang dosena ang nasugatan at 10 ang kritikal. Isang 24-anyos na Neuroscience course graduate sa Colorado University ang pumindot ng baril sa malagim na insidente. Siya ay si James Holmes.

Pagkaraan ng isang araw, isang malaking brushfire ang sumunog sa isang residential district ng siyudad. Walang nasaktan subalit ang damages sa properties ay ‘di kaliitan.

Kabaliwan. Ito ang pagpupuyos ng damdamin sa buong mundo laban sa assassin. Ano ang nagtulak sa kanya sa ganitong walang pangalang kabaliwan. Walang motibong matukoy ang mga awtoridad. Si James ay galing sa isang middle class family, mabait na bata at walang record ng violence o anumang crime. Bakit siya nakasuot ng gear ni Batman?

Mga ganitong pangyayari  ay ‘di na bago sa so-called Land of Milk and Honey. Karaniwan na may nasisirang ulo at mag-aaral sa eskuwela, malls at iba pang public places. Ganito ba dapat ang sibilisadong  bansa tulad ng Amerika?

Ano ang ugat ng walang pangalang kabaliwang ito?

SAMUT-SAMOT

 

‘DI MAKIKIPAGGIYERA ang Amerika para ipagtanggol ang ating valid interes sa Scarborough Shoal. ‘Wag na tayong managinip. Ang ASEAN ay isang social club. Walang bayag at ngipin para tumulong o mamagitan sa mga isyu. Dapat nagising na tayo sa katotohanan: walang magmamahal sa Pilipino kundi kapwa Pilipino. Ang mga nangyayaring ito ay dapat magpanday ng ating pagkakaisa at pagkamakabayan. Paunlarin natin ang bansa. Labanan ang graft at korapsyon. Para tayo’y umunlad at ‘di brasuhin ng mga malalaking bansa. Wake up call!

SA AKING pananaw, pinaka-qualified na SC CJ ay si Associate Justice Arturo Brion. Terrific academic credentials, training at experience sa judiciary. Nagkaroon din siya ng stint sa Executive bilang former DFA Usec at Dole Secretary nu’ng panahon ni dating Pangulong GMA. Naging assemblyman nu’ng Marcos years. Sa edad na 64, isa siya sa pinakabatang justices. Ang kanyang penned desisyon ay classic at profound. Anak siya ng dating Judge Edon Brion, tubong San Pablo, Laguna.

MAY ISANG Southern Tagalog governor ang binabatikos dahil sa kanyang work ethics. Napakahirap daw humingi ng appointments at kung masuwerteng mapagbigyan, ‘di sisipot sa takdang oras. Kalimitan, paghihintayin ka ng 4-5 oras. Puro media hype ang inaasikaso ng gobernador na ito. Mas malaki pa raw panahon ang ginugugol sa paggawa ng pelikula. ‘Di hands-on sa governance. Sino siya?

NAKABUTI NA pina-withdraw ni BIR Com. Kim Henares ang kanyang CJ nomination. Mas mahalagang ipagpatuloy ang pagsulong ng BIR reforms. Ewan natin kung ano ang pumasok sa kukote ni DOJ Sec. Leila de Lima. ‘Di pa siya hinog at very controversial. Bilib na bilib sa sarili? Si UE Dean Amado Valdez ay maaaring may inside chances. Experienced lawyer, academician and upright. He may be a surprise.

LIMANG TAON mula ngayon, overtaken na ng Taguig City ang Makati City sa kaunlaran. First class urban planning complemented by sound ecology care. Pakiramdam mo’y nasa New York o isang European na bansa ka ‘pag nasa The Fort. First class restaurants, spic and élan. Kulelat na kulelat ang Maynila. Iniwan at pinabayaan ng progreso at panahon dahil sa isang inutil na liderato.

SA BUROL ni Nixon Kua, nagkita kami ni NFA Adminsitrator Lito Banayo. Mainit na kumustahan at balitaan. May extra belly pounds pero over-all very healthy siya. Bakas sa kanyang mukha ang rigors at wear and tear ng trabaho. Si Lito ay isa sa mga solid assets ni P-Noy. Very experienced at capable. Napakahabang panahon na ang ginugol sa paglilingkod sa bayan. More power, Pareng Lito.

MAKABUBUTI NA lumipat na ang Senado sa U.P. Campus, Diliman. Malapit ito sa Batasang Pambansa at makatutulong sa mabilis na coordination ng gawaing batas. Nagbabayad ang Senado ng mahigit na P100-M monthly rental sa GSIS. Napakalaking halaga. At ang opis ng Senado ngayon ay ‘di masyadong presentable sa foreign guests.

MAY MGA opisyales ng gobyerno na pumasok sa ulo ang pagkalasing sa kapangyarihan. May isa akong dating kaibigang senador. Matagal kaming nagkasama nu’ng ‘di pa siya mambabatas. Aba, biglang nanlamig sa akin sa ‘di ko alam ang dahilan. Maybe, high na high sa puwesto at kapangyarihan. ‘Di maglalaon, lilipas ka rin at makakalimutan.

BINATIKOS NI VACC Chairman si Pangulong P-Noy tungkol sa peace and order situation ng bayan. Misleading ang facts at figures na pinahayag niya. Ang totoo, sabi ni Jimenez, may crime wave sa Kamaynilaan. Una rito ang riding in tandem menace na naghahasik ng takot sa mamamayan. Wala nang ligtas na lugar kahit sa loob ng bahay. Pangalawa, may rape wave sa buong bansa. Ayon kay Jimenez, halos araw-araw ay may nabibiktima ng krimen. Palpak si DILG Sec. Jesse Robredo at dapat nang sibakin. Isama na si PNP Chief Nicanor Bartolome. ‘Pag walang nagawang solusyon, baka mapipilitang mag-armado na ang tao. Tiwala sa kapulisan, naglaho na. Maraming krimen ang ‘di na rin ni-report sa pulis.  Alam nilang walang mangyayari. At baka bakalan ka pa.

DAPAT ITAYO muli ang pedestrian overpass sa Baclaran malapit sa simbahan ng Our Mother of Perpetual Help. Sa ‘di malamang dahilan, pinagiba ito ng Parañaque government nu’ng isang taon. Nung ito’y nakatayo pa, medyo nanlilimahid at madilim ang overpass pero tinatawiran ito ng mga tao. Ngayong wala na ito, delikado ang buhay ng mga taong nakikipag-patintero sa mga mabibilis na sasakyan habang tumatawid sa Roxas Blvd. patungong simbahan. Paging Mayor Jun Bernabe.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleBantay-Salakay!
Next articleIkinasal sa Menor

No posts to display