Comatose na anak ni Malou Barry, pumanaw na

Sinubaybayan ng progra-mang Wish Ko Lang ng GMA-7 ang kalunus-lunos na sinapit ni Charles Louis Baring o Abby, beinte siyete-anyos na anak ng singer na si Malu Barry, na anim na buwan nang comatose sa isang pagamutan sa Cebu.

Buwan ng Enero nang mahagip si Abby ng sasakyan, pero nito lang lumabas sa media ang buong kuwento kung hindi pa nagkukumahog si Malu na magtanghal sa Maynila upang makalikom ng pondong pantustos sa kanyang nadisgrasyang anak. Ang nakadagdag pa sa dalahin ng mang-aawit ay ang pagmamatigas ng nakasagasa kay Abby, na sa halip magpakumbaba ay ito pa ang may ganang bumuwelta.

Si Paul Adrian Garcia na siyang naatasang researcher ang aligaga sa pagtutok ng kuwentong ‘yon, ang masipag na staff ng programa ni Vicky Morales ang umaming nagkaroon na rin siya ng attachment sa ina ng biktima.

Huwebes, July 15, may kung anong compelling reason ang nagtulak kay Malu na bumiyahe patungong Cebu para dalawin si Abby. Call it mother’s instinct, ramdam marahil ng ina na ilang oras na lang ang bibilangin at mamaaalam na ang anak.

Kinabukasan na nakapagpa-book si Paul at ang kanyang crew, dakong alas-tres ng hapon ang alis ng eroplano. Pero ala-sais ng umaga nu’ng mismong araw ring ‘yon ay nakatanggap na sila ng tawag mula kay Malu: pumanaw na raw si Abby. Dapat sana’y nu’ng kinasabaduhan din ang balik ni Malu sa Maynila, kasama na ang mga labi ni Abby, pero dahil walang opisina ay ibinurol muna ito roon nang Sabado at Linggo, only to be flown in nitong Lunes ng gabi, diretso na sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe, Makati City.

Malaki ang pasasalamat ni Malu, sa gitna ng kanyang pinagdaraanan ngayon, sa programang Wish Ko Lang. Huwag nating kuwentahin pa ang mga material na naitulong ng nasabing mapusong programa ng News & Public Affairs ng GMA, dahil bahagi naman ito ng kanilang misyon na makapagdulot ng ngiti sa mukha ng kanilang tinutulungan.

Hindi man sa paraang materyal ang maaari naming maitulong sa kaibigang Malu, alam naming higit anupaman ay dasal ang kanyang kailangan sa panahon ngayon upang harapin ang pagkawala ni Abby nang buong katatagan.

BLAME IT ON Typhoon Basyang (but of course, we can’t defy nature), maraming programa lalo na noong Miyerkules, July 14, ang hindi umere because of the power outage. Kabilang na rito ang unang bahagi ng two-part special ni JC de Vera sa 5 Star Specials.

Ito ‘yung Gabriel Molave at Ang Mahiwagang Arnis sa direksiyon ni Eric Quizon. Due to insistent public demand ay magkakaroon ito ng replay ngayong 8:30 ng gabi. Which is but logical dahil paano mo ieere ang Part 2 nito kung hindi naman napanood ang unang bahagi ng naturang special, ‘di ba’t mas “mahiwaga” pa ‘yon kesa sa arnis ni Gabriel?

But nothing brings more mystique than TV5’s upcoming shows to watch out for, kabilang na rito ang Inday Wanda played by Eugene Domingo. Also in the cast is Ariel Rivera.

Pepperoni
by Ronnie Carrasco III

Previous articlePiolo Pascual at KC Concepcion, ‘di malayong maging lovers
Next articleMariel Rodriguez at Robin Padilla, huli sa bday ni Queenie!

No posts to display