Commissioner Biazon, Wake-Up!

NAKASISIGURO NA si Customs Commissioner Ruffy Biazon sa pagkakaroon ng puwesto sa senatorial line-up ng partido ng administrasyon dahil mismong si P-Noy na ang nag-anunsiyo sa media tungkol dito.

Tulad ng inaasahan, pumipitikpitik na ngayon ang tanggapan ni Biazon sa paghuli ng mga kargamento na nagmi-misdeclare at nag-a-undervalue para makaani ng mga pogi points pagdating ng kampanya.

Pero lingid sa kaalaman marahil ni Biazon, pinipili lamang ng kanyang mga tauhan ang mga hinuhuli nilang kargamento na dumidepende kung sino ang mga may-ari nito. May mga balita kasing kumakalat na pawang mga maliliit na broker ang kinakalawit na siyang ginagamit na trophy.

Ang mga kargamento ng mga big time na importer/broker, a.k.a. smuggler, ay hindi ginagalaw. Ang grupong ito raw ang tanging may basbas na mag-import ng kahit na anong high dutieble goods maging mga banned items tulad ng mga sibuyas at iba pang mga gulay. Ang tawag sa grupong ito ay VIP (Very Important Player).

Marahil hindi rin alam ni Biazon na isang babaeng kawani sa kanyang tanggapan ang gumagawa ng kalokohan. Ikinokolekta raw ng kawaning ito ang tanggapan ng commissioner ng P5,000 sa bawat container na ipinapara-ting ng kanilang mga kaibigang broker. Ang halagang ito ay para raw sa mga regular na kargamento.

At P8,000 naman daw para sa mga kargamento na kung tawagin ay “special”. Ito ay ‘yung mga banned items na kargamento tulad ng mga sibuyas, chicken, fake signature items (IPR), ukay-ukay atbp.

Marahil hindi rin alam ni Biazon na ang kanyang kawaning ito ay may isang bata-bata na lalaki na gumagamit ng pseudonym na DARWIN na siyang diretsong tumatanggap ng pera mula sa mga smuggler.

May mga umuugong ding balita na hindi umano kasundo ng tanggapan ni Biazon ang tanggapan ng ibang departamento sa Bureau. Marami sa kanila ang nagkikimkim lang daw ng sama ng loob.

Isang halimbawa daw ng hindi pagkakasundo ay may mga sitwasyon na kapag may na-alert na mga kargamento ang isa sa mga tanggapan sa BOC na nagkataon na pag-aari ng isa sa mga VIP, pagdating sa tanggapan umano ng OCOM (Office of the Commissioner) namamaniobra at napapa-kawalan ang mga ito.

Ako ay personal na naniniwala na hindi alam ni Biazon ang pinaggagagawa nitong grupo ni Darwin na pagpapadrino sa mga smuggler dahil makailang beses na simula nang maupo siya ay pinagsisibak niya ang mga tauhan niyang nababalitaan niyang ginagamit ang pangalan niya sa pa-ngongotong.

Pero ayon sa isang empleyado ng BOC na tumawag sa inyong lingkod, hindi raw puwedeng maikumpara ang handler ni Darwin sa mga nakaraang tauhan ni Biazon na sinibak niya dahil sa paggamit ng kanyang pangalan sa kalokohan sapagkat ito ay rekomendado ng isang maimpluwensiyang tao. Ibig sabihin, may matibay na padrino ito.

Tanong pa nga sa akin ng nasabing empleyado, bakit sa umpisa lang daw nag-raid ng ilang pirasong bodega na tambakan ng mga smuggled goods ang grupo ni Biazon at ‘di na nasundan iyon? Buti pa raw noong panahong ng mga nakaraang commissioner na sunud-sunod ang pagre-raid sa mga bodega ng mga smuggler.

Kung tutuusin, mahina ang tiyansa ni Biazon na manalo sa pagka-senador dahil hindi masyadong naririnig ang kanyang pangalan, maliban na lang kung ngayon pa lang, paspasan niya at seryosohin ang paghuli ng kaliwa’t kanang mga matitinding kontrabando at bodega na pag-aari ng mga bigating smuggler, at pagkatapos, ibandera niya ito bilang trophy. At siyempre sibakin niya muna ang grupo ni Darwin.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleAnak sa Pagkadalaga, Ayaw Kilalanin ng Ama
Next articleAktor, 2 taon sa loob ng mental hospital!

No posts to display