NAPILI NG production ng Magpakailanman, ang weekly drama anthology ng GMA7 sina Congresswoman Lani Mercado at actor-director Ricky Davao na pagsamahin sa isang episode na pang-holiday season at pampamilya na nakatakdang ipalabas sa darating na Disyembre 20.
Ang tema ng istorya ay tungkol sa isang MMDA officer na may matatag na paninindigan na makapagserbisyo sa gobyerno bilang isang traffic enforcer. Siya si Fernando Gonzales sa kanyang ika-dalawampung taon na sa serbisyo at nasa ikatlong ranggo na sa kasalukuyan. Si Ricky Davao ang gumanap sa kanyang role. Samantalang si Lani Mercado naman ang gumanap na kanyang maybahay na si Gng. Maribeth Gonzales.
Nabiyayaan sila ng dalawang anak na lalaki na ngayon ay pawang mga binata na at nagsisipag-aral. At dahil pangkaraniwan lang ang kanilang buhay, naisipan nilang gumawa ng paraan kung paano madaragdagan ang kanilang kita. Nagluto ng mga kakanin si Misis at itinitinda niya ito sa malapit sa trabaho ni Mister. Kailan man ay hindi pumasok sa isipan nila na gumawa ng mga maanomalyang pamamaraan na alam nilang walang maidudulot na buti sa kanila. Dahil na rin sa tiyaga, naabot din ni Mang Fernando ang kanyang pangarap na umangat ang kanilang pamumuhay kaysa pangkaraniwan.
Sina Lani at Ricky naman ay hindi na nagdalawang-isip na tanggapin itong inialok na project sa kanila. Maganda at pampamilya na tamang-tama ngayong Pasko. Kapupulutan ito ng aral at tatatak sa inyong puso, kaya abangan.
Ang MKM host na si Mel Tiangco ay lubos na nagpapasalamat sa mga patuloy na sumusuporta at sumusubaybay ng kanyang programang Magpakailanman na ngayon ay nagdiwang ng ika-12 anibersaryo noong nakaraang Nobyembre.
By Marialuz Candaba