BAGO ANG LAHAT, nais i-congra-tulate ng inyong SHOOTING RANGE si Gen. Sammy Pagdilao sa kanyang pagkakahirang bilang bagong Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief. Si Gen. Pagdilao ang isa sa mga opisyal ng PNP na labis na iginagalang at hinahangaan ng WANTED SA RADYO (WSR) at ng espasyong ito.
Kung ang WSR ang tatanungin, si Sammy ay punung-puno ng accomplishment. Lahat ng mga problema na inilalapit ng WSR sa kanya na may kinalaman sa pang-aabuso sa kapulisan – lalo pa noong siya ay spokesperson pa lamang ng PNP, ay mabilis na nabibigyan ng aksyon. Ito ay marahil na rin siguro sa kanyang pagiging abogado at bihasa sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan.
Ngayong nasa pamunuan siya ng CIDG, asahan na marami siyang mareresolba na mga problema at kasong ilalapit ng mga mamamayan sa kapulisan. At marami rin siyang mga sindikato na maipakakalaboso. Go kick ass, Sammy! Best wishes and mabuhay, Sir!
PINAG-IINGAT NG INYONG SHOOTING RANGE ang mga taxi driver laban sa isa na namang modus operandi ng panggagantso ng ilang tiwaling pulis.
Noong April 15, bandang 2:00 pm, sa may Sucat, Parañaque, nagsakay ng dalawang lalaking pasahero ang taxi driver na si Frederick Cupat.
Hindi pa nakakalayo ng ilang metro ang taxi ni Fre-derick nang biglang may humarang na mobile patrol car sa kanyang harapan. Nagsibabaan ang mga sakay nito na nakabunot ang mga baril. Ilan sa kanila ay hindi mga nakauniporme.
Inutusan ng mga pulis ang lahat ng mga sakay ng taxi na bumaba dahil sila raw ay nagsasagawa ng buy bust operation?!?
Agad na pinosasan nila ang isa sa mga pasaherong may bitbit na bag na ayon sa kanila ay naglalaman daw ng droga. Isinama ang dalawang pasahero ni Frederick, maging siya, sa presinto. Pagdating ng presinto, nagtaka si Frederick dahil pasimpleng pinakawalan ng mga pulis ang dalawa niyang pasahero at siya ay inutusang maiwan dahil kukunan pa raw ng sinumpaang salaysay.
Matapos makapagbigay ng kanyang salaysay, pinakawalan din si Frederick. Pero kinabukasan, nagulat na lamang siya nang makatanggap ng tawag mula sa isang SPO1 Richard Cabalagan na siyang kumuha ng kanyang salaysay at siya ay pinapupunta sa isang pre-sinto sa Parañaque upang magbigay ng bagong sinum-paang salaysay dahil ang unang naibigay niyang salaysay ay mali raw. Sa halip na pumunta sa presinto, dumiretso si Frederick sa WSR.
Makailang beses tinangkang tawagan ng WSR si SPO1 Cabalagan sa kanyang cellphone para kunan ng paliwanag ngunit tumanggi itong magsalita. Sa ilang pagkaka-taon, kina-cancel pa niya ang aming mga tawag.
Sa aking pakiwari, kapag pumunta ng presinto si Frederick, tiyak na hulidap ang nag-aantay sa kanya. Palalabasin na siya ay gumawa ng maling salaysay at tatakuting kakasuhan ng perjury. At isa pa, sasabihan siyang idinawit ang kanyang pangalan ng dalawa niyang pasahero na pawang umamin bilang mga tulak daw ng droga. At para hindi siya idiretso sa inquest fiscal at tuluyang makulong, kailangan niyang magremedyo ng malaking pera.
Ang WSR ay mapakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na mapapanood din sa free Channel 41 – Aksyon TV. Sa Cignal Cable ito ay mapapanood sa Channel 1 at Channel 7 naman sa Destiny.
Shooting Range
Raffy Tulfo