Cory Aquino, pinadadalhan ng pagkain ng mga kaibigan by Cristy Fermin

MATAGAL NA NAMING alam na halos araw-araw nagpapadala ng mga pagkain sa nakaratay na dating pangulo sa Makati Medical Center ang pamilya Estrada.

Iba’t ibang putahe ‘yun na mismong sina dating Senadora Loi Ejercito at dating Pangulong Joseph Estrada ang nagpapaluto sa kanilang mga cook. Sa ganu’ng paraan, gusto nilang mabawasan ang intindihin ng pamilya. Napakabigat na nga namang problema ang situwasyon ni dating Pangulong Cory Aquino, kaya ayaw na nilang pati ang pagkain ng mga bisita at nagbabantay ay iintindihin pa ng magkakapatid.

Pero ayaw nilang ipasulat ang tungkol du’n. Palaging ganu’n ang pamilya, ang ginagawa ng kaliwa nilang kamay ay ayaw na nilang ipaalam pa sa kanan.

Nitong sumakabilang-buhay na si Tita Cory, saka lang lumabas ang kuwento. Si Kris Aquino ang nagsabi sa ere, hindi ang mga Estrada. Ayon kay Kris ay nagpapasalamat ang buo nilang pamilya sa mga Estrada na hindi nakalimot kahit nu’ng nasa ospital pa lang si Tita Cory.

“When my mom needed a friend, President Estrada was there,” eksaktong paglalarawan ni Kris sa dating pangulo.

Mahilig magluto si dating Pangulong Erap, at napakasarap niyang magluto, kabog na kabog niya ang kanyang maybahay na si Tita Loi.

At naging ugali na rin ng pamilya ang pagpapadala ng pagkain sa kanilang malalapit na kaibigan, isang ugaling nakuha ng magkakapatid na Estrada, tulad nina Senador Jinggoy at Captain Jude.

Kapag may nagdiriwang ng kaarawan na malapit sa pamilya, palaging sinasagot ng mag-asawang Senador Jinggoy at Precy Ejercito ang catering.

‘Yun ang kanilang toka, nagpapa-lechon pa sila ng baka at nagpapadala ng lechon sa may kaarawan, halatang-halata na mahilig talaga sila sa pagkain.

Pero hindi magpapakabog ang bunsong si Jude, ang madalas naman niyang ipadala sa malalapit niyang kaibigan ay baked macaroni, ang pagkasarap-sarap na pastang ginagawa ni Aling Paz (ilang dekada na nilang cook sa Polk) na sa paglalarawan ng mga nakakatikim ay nakakaadik.

Totoo naman kasing hahanap-hanapin mo ang lasa ng baked macaroni ng mga Estrada, hindi kasi nakakasawa ang lasa nito, pero tumitiim sa dila habang kinakain mo.

Kapag nagpapadala sa amin ng baked macaroni si Jude, ilang minuto pa lang ay parang dinilaan na ng gutom na pusa ang lalagyan. Marami na kaming natikmang pasta sa iba’t ibang restaurant pero kakaiba talaga ang baked mac ng mga Estrada.

NAPAKALAKI NG IBINAGSAK ng timbang ni Senador Jinggoy, pati ang kanyang mukha ay umimpis, kaya ang pakiramdam ngayon ni Precy ay pagkataba-taba nito kapag kasabay ang kanyang asawang senador.

Takal na takal na ang pagkain ngayon ng aktor-pulitiko. Gusto man niyang kumain pa, hindi na puwede. Bahagi ‘yun ng mga seremonyas ng kanyang pagpapapayat.

Bukod sa tasadong pagkain, regular din siyang nagdyi-gym. Hindi sapat ang pagpaparoo’t parito niya sa Senado bilang ehersisyo. Kailangan niyang magsunog ng calories sa pamamagitan ng gym.

Nu’ng huli namin siyang nakasama, sinuntok pa namin ang tiyan ng senador. Wala nang nakaumbok, halos patag na patag na ang kanyang tiyan na dati’y parang tiyan ng isang nagdadalantao nang pitong buwan.

“Sakripisyong malaki ang pagpapapayat, pero okey lang, nai-inspire ako kapag nakikita kong bumaba na naman ang weight ko,” maigsing komento ni Senador Jinggoy.

Maraming ipinagdadamot sa kanya ngayon, bawal na siyang kumain ng lechon nang hanggang gusto niya, pero tinitiis ‘yun ng aktor-pulitiko dahil sa pinapangarap niyang timbang.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleGuesswhodoes: Jake, Kim and Gerald do the ‘triple rampa’
Next articleKomiks Trip presents… Dyosa: Ang Simula

No posts to display