HINDI NA PALA hahawakan ng Binibining Pilipinas Charities ang franchise ng Miss World. Sa isang luncheon ceremony na ginanap sa Makati Shangri-La Hotel kahapon, pormal nang ini-award ng Chairman at CEO ng Miss World Limited na si Julia Morley ang exclusive licensee agreement nito sa tri-media personality at wellness guru na si Cory Quirino. Nasaksihan ng Pinoy Parazzi ang nasabing ceremony, kasama ang iba pang miyembro ng press, at ng entourage ni Mrs. Morley, kabilang ang reigning Miss World na si Alexandria Mills mula sa USA at first runner-up Emma Wareus ng Botswana.
Sa dalawang araw nga na paglagi ng grupo ni Mrs. Morley sa bansa, nagkaroon sila ng special trips sa Philippine General Hospital, Ospital ng Makati, at sa Tuloy Street Children’s Foundation. Major beneficiaries ng World for All Foundation ni Ms. Quirino ang PGH Medical Foundation at ang Tuloy Street Children’s Foundation.
Kasalukuyang ipinagdiriwan ng Miss World ang kanilang 60th year of “Beauty with a Purpose” at nakalikom na ito ng US$400 million bilang suporta sa children’s charities sa buong mundo mula nang itatag ito.
Ayon pa nga kay Ms. Quirino, pangunahing layon ng Miss World Philippines ang mabigyang-pansin ang kalusugan ng kababaihan at kabataan, gayundin ang pagpapaunlad at pagpapalakas sa mga ito, at iba pang socio-civic undertakings.
Itinuturing na isa sa pinaka-prestihiyosong beauty pageant sa buong mundo ang Miss World. Pinakamataas na nakuha ng Pilipinas sa Miss World ang pagkapanalo ni Evangeline Pascual bilang second place noong 1973. Nang ma-dethrone ang nanalong Miss World ng taong iyon, napunta na sana kay Evangeline ang korona, pero tinanggihan niya ito, ayon sa nakalap nating impormasyon.
Third runner-up (second princess) naman ang actress-TV host na si Ruffa Gutierrez noong 1993, samantalang sa dalawang magkasunod na taon (2003 at 2004) parehong nakuha nina Maria Rafaela Verdadero Yunon at Maria Karla Rabanal Bautista ang 4th runer-up. Kabilang sa mga naging bet ng bansa sa Miss World sina Daisy Reyes at Carlene Aguilar.
SA LAUNCH NG Inside Showbiz sa KYSS bar and restaurant sa Makati Avenue last January 20, naispatan namin ang pagdating nina Sen. Bong Revilla, with housewife Rep. Lani Marcado, at ni Hayden Kho. Kung nagkaabot sila? Parang hindi naman, kasi wala namang major major reactions na nangyari sa loob ng bar na halos siksikan na sa dami ng dumalong celebrities at members of the press.
Kaaliw naman ang eksena ng dating iniintrigang nagkatampuhan na sina Tim Yap at Mr. Fu. Nakita kasi naming iniinterbyu ni Mr. Fu si Tim Yap. Siyempre pa, nand’yan na nga camera, nakatutok na sa dalawa. Simula ng interbyuhan: ‘Musta ka na, Tim?’ unang banat ni Mr. Fu. Sagot naman ni Tim, ‘oo nga, ‘musta naman ang ilaw?’
Siyempre pa, namatay kasi ang ilaw ng camera! Hahaha!
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores