MARAMING NEGATIBONG reaksyon ngayon ang netizens hinggil sa lumabas na larawan ni DILG Secretary Mar Roxas bilang cover ng isang magazine, kung saan ay kinuhaan ang larawan sa Tacloban. Mga patung-patong na kahoy ang nasa likod ni Roxas habang nakataas ang mga kamay niya at nag-uudyok ang larawan na nakabangon na ang Tacloban mula sa delubyong dala ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon. May mas malalim kayang kahulugan ang cover page na ito?
Kamakailan lamang ay naging tampulan ng kritisismo at puna ang hindi pagbisita ni Pangulong Noynoy Aquino sa Tacloban sa kabila ng pagbisita niya sa ibang mga lugar sa Kabisayaan. Tinatayang isa ang Tacloban sa lubhang napinsala ng bagyong Yolanda at maraming tao ang nasawi rito. Ang Tacloban ang maaaring maging simbulo ng pinsalang dala ni Yolanda at ito rin ang maaaring panukatan ng pagbangon at pagtulong ng pamahalaan sa mga taong naapektuhan ng trahedyang Yolanda.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang maaaring kasagutan sa tanong na bakit hindi bumisita si PNoy sa Tacloban samantalang napakadali namang isama ito sa mga lugar na kanyang dinalaw? Napakadali kasing excuse ang “President’s prerogative”. Maaaring totoong prerogatibo ni PNoy na hindi bumisita sa Tacloban, ngunit may mas malalim na dahilan ang “prerogative” ng Pangulo.
ANO ANG tunay na dahilan? Maraming nagtaasan ang mga kilay at nagtaka sa ginawang tila pang-i-snub ni Pangulong Aquino sa Tacloban. Ngunit ngayon ay mukhang malinaw na ang lahat sa atin. Ang larawan ni Roxas sa cover page na ito ang maaaring dahilan ng hindi pagbisita ni PNoy sa Tacloban. Panahon na nga siguro para bigyan ng liwanag at entablado si Roxas. Malapit-lapit na rin kasi ang eleksyon at habang ang mga maaaring katunggali ni Mar sa pagka-presidente ay nagbabatuhan ng putik, ay saktong dapat namang patingkarin ang imahe ng napipintong manok ng Liberal Party (LP).
Ano ang plano? Kung darating si PNoy sa Tacloban ay hindi mapupunta kay Roxas ang sentro ng atensyon sa Tacloban. Siya talaga ang itinakdang dapat magtungo sa Tacloban at ito ang plano. Ngayon ay malinaw na sa lahat ang mensahe ng Pangulo na si Roxas ang magpapatuloy sa mga proyekto ni PNoy. Ang sabi ng kasabihan ay mas malinaw ang gawa kaysa salita. Sadyang hindi pumunta si PNoy sa Tacloban dahil si Roxas ang kailangan maging pogi at magpakitang-gilas. Sapul na sapul ang temang bida ni Roxas ngayon sa pagbangon ng mga taong mas nangangailangan ng tulong.
Bakit ang Tacloban? Maaaring ang Tacloban ang magiging “simbulo” ng pagkandidato ni Roxas sa darating na eleksyon. Siya ang palalabasing tagapagligtas ng mga taga-Tacloban. Ang mga nagdaang pangulo ay may kani-kanilang mga simbulo ng pagtulong at tutulungan. Si Mang Andoy, halimbawa, noong panahon ni Pangulong Fidel Ramos at ang 3 batang nagpalutang ng bangkang papel noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ngayon ang Tacloban naman ang gagamitin marahil ni Roxas.
SIMULA NA kaya ng kampanya? Masasabing simula na nga yata ito ng kampanya ng LP at ng administrasyong Aquino para kaya Roxas. “Pinapanday na ang daanan” ‘ika nga ng matatanda. Walang duda na ang suporta ni Pangulong Aquino ay sa kanya mapupunta. Hindi naman natin siguro malilimutan na noon pa man ay si Roxas na dapat ang tatakbong manok ng LP kung hindi lang siya bumaba sa pagkandidato para bigyang-daan ang kaibigang si PNoy.
Pagtanaw ba ito ng utang na loob? Baka nga maaari nating tingnan na may utang na loob si Pangulong Aquino kay Roxas dahil kung hindi sa kanyang pag-atras, hindi magiging pangulo ng Pilipinas si PNoy. Hindi naman sa pagmamaliit kay PNoy, ngunit bago namatay ang dating Pangulong Cory Aquino, hindi naman napag-uusapan ang posibilidad ng pagkandidato ni PNoy noon. Aminin man o hindi ay ang matinding emosyon ng mga Pilipino sa pagpanaw ni Pangulong Cory ang naglatag ng kaisipang isang Aquino ang dapat muling magbalik ng tapat na panunungkulan sa gobyerno.
Hindi siguro madaling kalimutan ni PNoy ang pagsasakripisyo ng kanyang kaibigan kaya’t tiyak na ang pag-iendorso rito ang kabayaran ng mala-“utang na loob” na ito ni PNoy sa kaibigan. Hindi rin naman kapani-paniwala na wala pang mamanukin ang Pangulong Aquino sa 2016 Presidential Election. Si Roxas na ang iendorso ni PNoy at marahil ay malinaw ito maging noon pa mang unang araw ni PNoy sa Palasyo bilang presidente.
ANG ISYU lang siguro rito ay dalawang bagay. Una ay ang pamumulitika gamit ang mga kapus-palad na mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Yolanda. Hindi makatarungan na gamitin ang kapalaran at buhay ng mga tao sa isang ambisyong pampulitika. Pangalawa, ang mabagal na tugon sa mga biktima ng bagyo at pagkakasangkapan sa kapakanan ng mga mamamayang nangangailangan. Imbes na maihatid sa kanila ang isang maayos na tulong at serbisyo ay nabibinbin ito dahil ang pamumulitika ang nauuna sa lahat.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo