Crematorium ni San Bartolome

DATI-RATI KAPAG DUMARAAN sa simbahan ang isang tao ay nagku-krus bilang pagpapakita ng tanda na siya ay isang Katoliko.

Dati-rati ay inuutusan pa ng magulang ang kanyang mga anak na pumasok sa simbahan para manalangin na bigyan sila ng malusog na panga-ngatawan.

Dati-rati ay ipinagmamalaki ng isang tao kung siya ay nakatira malapit sa simbahan dahil malapit daw siya sa biyaya at basbas ng Poong Maykapal.

Dati-rati ay pakaway-kaway pa ang mga tao kapag natatanaw na naglalakad papalapit sa kanilang kinatatayuan ang isang pari lalo kung ito ay nakasuot ng “sotana” o abito.

Dati-rati ay ginagawang palamuti ng mga tao sa pa-libot ng simbahan ang mga banderitas lalo kung may fiesta upang ibuyangyang ang kanilang pagsuporta sa layunin ng simbahan.

Dati-rati ay madalas magpulong ang mga relihiyosong tao upang pag-usapan kung paano ipaabot sa kaalaman ng kanilang pari ang kanilang taus-pusong pagmamalasakit dito.

Dati-rati ay Santelmo ang kinatatakutan ng mga tao lalo na ang mga bata.

NOON ‘yun!

Ngayon? San Bartolome na ang kinatatakutan sa Malabon!

Ngayon? Madalas na magpulong ang mga tao, relihiyoso man o hindi, upang pag-usapan kung paano ipaabot sa kanilang kura paroko ang kanilang pagkondena sa San Bartolome church sa bayan ng Malabon!

Ngayon? Ginagawa nang palamuti ang mga karatula sa palibot ng simbahan ng San Bartolome ang mga karatulang: “Simbahan ahente ni kamatayan” at kung anu-ano pang karatula upang ibuyangyang ang kanilang pagkondena sa layunin ng simbahan!

Ngayon? Kapag nakikitang naglalakad ang pari papalapit sa kanilang kinatatayuan ay hindi lamang nakasimangot na magpupulasan ang mga taong nakatira sa paligid ng San Bartolome church sa Malabon… nagtutu-ngayaw pa!

Ngayon? Pinagsisisihan na ng mga residente sa palibot ng San Bartolome church sa Malabon dahil malapit na malapit daw sila sa salot, mikrobyo at ngitngit ni Satanas!

Ngayon? Nagtutungayaw na ang isang ina kapag natanaw na papalapit sa pintuan ng San Bartolome church sa Malabon ang kanilang anak… huwag daw talagang papasok kung gusto nilang manatiling malusog ang kanilang pangangatawan!

Ngayon? Kapag dumadaan ang mga taga-Malabon sa San Bartolome church ay bigla silang nagku-krus… nangingilabot pa sa takot!

Ang lahat ng ‘yan, parekoy, ay dahil nga sa crematorium na diyan pa talaga itinayo sa loob ng simbahan ng San Bartolome sa Malabon.

Isa lang ang hinihingi, parekoy, nilang mga residente sa paligid ng San Bartolome church.

Ilayo lang sa kanila ang crematorium na ‘yan…

At ibabalik nila ang kagaya noong unang panahon!

INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected]  o mag-text sa 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleBiktima, kinasuhan!
Next articleRespetadong magdyowa, ayaw paawat sa PDA!

No posts to display