KONTRA ANG SIMBAHANG Katoliko sa RH bill.
Kinapapalooban daw ito ng abortion.
Anuman ang kanilang justification hinggil sa sinasabi nilang abortion ay saka na natin ‘yan pagtalunan.
Pansamantala, atin silang purihin dahil sa paglaban ng Simbahang Katoliko sa abortion, na ayon sa kanila ay isang pagkitil ng buhay!
Ano naman kaya ang paninindigan ng simbahan sa massacre o maramihang pagpatay?
Nagsusumbong kasi sa atin ang mga taga-Malabon.
Sa mismong kabayanan nila, naroroon daw ang simbahan ng San Bartolome. At sa loob ng bakuran ng nasabing simbahan ay itinatayo ang isang crematorium o sunugan ng bangkay ng tao.
Bandang alas-10 ng umaga kahapon ay dumaan ako sa may likod ng nasabing simbahan, kung saan, sa aking pagkamangha ay nasabi kong… wala palang pakiramdam ang Simbahang Katoliko…
Manhid! Bakit ko nasabi ‘yan, parekoy?
Aba naman… binulaga ako ng sari-saring karatula gaya ng: Simbahan kampon ni kamatayan! Krematoryo pumapatay ng tao! At kung anu-ano pa.
Nagugulat lang tayo, parekoy, dahil kahit tadtad na ang likod ng simbahan ng mga ganitong karatula ay mistulang wa-epek sa kanila!
Kahit napakasama ni Padre Damaso, kung buhay lang ‘yon ay tiyak na alam niya ang ibig sabihin ng sunugan ng bangkay.
Na hindi lang bangkay, amoy, abo, libag, dura, utot at dumi ng isang tao ang magkakasamang ikinakalat natin sa papawirin.
Pati ang anumang sakit na naroroon sa bangkay ng taong sinusunog ay idinadapurak din natin sa kapaligiran, kung saan naroroon ang isang crematorium.
Kaya nga ang masasabi ko, kung magbubukas tayo ng isang crematorium sa mismong kabayanan o sentro ng Malabon ay para na rin tayong nagtatayo ng isang “massacre site” sa nasabing lugar.
Tsambahan na lang kung sino ang unang mabibiktima!
Kaya nga ang pakiusap natin sa Simbahang Katoliko, kung kinukundena ninyo ang abortion, kundenahin na rin pati ang massacre!
Ipatigil ‘yang crematorium sa kabayanan ng Malabon!
Now na!!!
INAANYAYAHAN ko po kayo na makinIg sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09152121303.
Atorni First
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303