HINDI KO maintindihan kung bakit at ano ang rason. Hindi ko rin batid kung bakit kailangan niyang magpa-interview at mag-hold ng presscon from her own budget.
Ngayon, Tacloban City Councilor Cristina Gonzales-Romualdez, matapos kang magpa-presscon noong Martes sa isang magarang restaurant na naghahain ng masasarap na Japanese food sa The Fort para ikuwento ang “survival story” mo at sabihin na buhay ka at ang pamilya mo matapos ang delubyong dala ng bagyong Yolanda sa Tacloban, siguro naman marunong ka nang tumingin sa kapaligiran mo na libu-libo ang naging biktima at mga namatay na mga constituents n’yo ng mister mong si Tacloban Mayor Alfred Romualdez bago kayo umangal dahil sa kumakalat na “tsismis” na nawawala kayo matapos ang delubyo.
Heto’t habang nagkukumahog ang mga survivor kung saan makakukuha ng pagkain, ang mga kababayan mo na nagugutom, walang masisilungan (mga patay na nakahilera sa daan), nagkakagulo at hindi alam kung sa paggising nila bukas ay buhay pa sila, ikaw naman ay nagpapa-presscon just to make kuwento of your ordeal and survival on television at sa “press”. Kaloka nga ‘yong portion ng interview sa ‘yo last Wednesday night sa show na Reaksyon hosted by Luchi Cruz-Valdez sa istasyon ni MVP habang nagtitili ka na parang Assumptionista just like before na napapailing na lang ako.
Okey, you’ve made it at in-interview ka na ng CNN at trending ka sa Instagram at sa kaliwa’t kanang puna ng mga netizens sa Facebook at iba pang mga social media.
Habang sa mga write-up sa’yo, umaangal ka at nagpapahiwatig na “pulitika” ang dahilan dahil hindi maka-PNoy ang mister mo kaya nababagalan ka sa relief operations ng pamahalaan. Maging si Ted Failon ng ABS-CBN at ang Kapamilya Network, ginagawan mo ng isyu na kaya hindi ka ini-interview dahil dating kalaban ng mister mo sa pulitika si Ted. Ano ka ba, konsehala?
Sa panahon na marami ang nangamatay, ilang milyon ang mga napinsala, heto ka’t umaangal at hindi na lang kumilos at gumawa.
Magisip-isip ka na nasa ground zero ang Tacloban at ibang bahagi ng Leyte at walang kuryente at komunikasyon. Hindi agad-agad makapapasok ang truckloads of relief goods sa area dahil sa mga nagbagsakang puno at debris sa kalye. Ang airport ninyo devastated at totally wreck, hindi ganu’n kadaling makapasok ang tulong.
Pati ang ginagawang effort ng Aquino Government (kahit may sablay); Red Cross at NGOs ay nilalagyan mo pa ng anggulo na kaya kulang kayo sa suporta dahil hindi maka-PNoy ang mister mo. Ano ka ba, pamumulitika na ‘yan. Hindi lang Tacloban at Leyte ang nasalanta; naririyan ang Samar, Panay Island, Palawan at ibang lugar na hindi nako-cover pa ng media na malaki rin ang pinsala.
Hindi ako maka-PNoy pero iniintindi ko ang gobyerno, basta ang mahalaga, gumagalaw sila sa pamamaraan na alam at kaya nila.
Konsehala Kring Kring, dapat magpasalamat ka at nakaligtas ang pamilya mo sa delubyo habang libu-libong mga taga-Tacloban at ibang bahagi ng Leyte ay namatayan ng ina, anak, ama, kapatid at kaibigan.
Ang tsismis na namatay kayo at na-wash-out kasama ng ilang biktima ay hindi nakapuwing sa mga mata mo para makikita ang realidad pagkatapos ng bagyo.
Suggestion sa inyong mag-asawa, asikasuhin n’yo muna ang mga nasalanta ninyong mga kababayan. Tama na muna ang reklamo. Help them rebuild their lives. Tama na muna ang “showbiz”. Mapalad pa rin kayo at buhay kayo ng pamilya mo.
NATUTUWA KAMI sa mga artista na sa sarili nilang pamamaraan ay gusto nilang makatulong sa mga nasalanta ni Yolanda.
Si Angel Locsin, ipina-auction ang kanyang vintage car. Si Kim Chiu nag-donate ng 100 sacks of rice habang sina Bianca Gonzales , Judy Ann Santos, Ann Curtis, Regine Velasquez ay ipinapa-auction ang mamahaling designer’s bags at shoes nila para ang proceeds ay mapunta sa mga survivors ng bagyo.
Nice to learn na ang mag-inang KC Concepcion at Sharon Cuneta nagbigay ng five and 10M respectively. Si Jake Cuenca ang mga sapatos niya ay naka-post sa IG para maibenta para makatulong sa mga naging biktima.
Super galing ni Kris Aquino na mag-solicit from her sponsors bukod pa sa personal niyang tulong na cash from her own pocket.
‘Yong iba na mga artista na hindi namin nabanggit na kumikilos at gumagawa para makatulong, mabuhay kayo!
Reyted K
By RK VillaCorta